MANILA, Philippines – Naghain ng reklamo ang Criminal Investigation and Detection Group laban sa 97 indibidwal na sangkot sa karahasan sa Maynila kasabay ng September 21 protest laban sa korapsyon.
Hindi na pinangalanan ni CIDG director Major General Robert Alexander Morico ang mga nasa reklamong inihain sa Department of Justice.
Kabilang sa mga reklamo ang umano’y paglabag sa Revised Penal Code sa sedition, inciting to sedition, at conspiracy, at proposal to commit rebellion o insurrection.
Sinabi sa report na magpapatuloy ang CIDG sa imbestigasyon nito at kung sino pa ang mga kakasuhan partikular ang mga pasimuno o nagpondo sa karahasan.
Nagsimula ang gulo sa protesta sa Maynila nang silaban ng mga hindi pa tukoy na kabataan ang isang shipping container na ginamit ng mga awtoridad na pangharang.
Ibinato rin ang mga bote, pintura at bato sa mga pulis na napilitang gumamit ng riot shields para protektahan ang kanilang mga sarili.
Daan-daang indibidwal ang inaresto sa naturang protesta.
Ayon sa Department of Health, isang lalaki ang nasawi sa pananaksak sa rally.
Samantala, pinaghahandaan na ng PNP ang nakatakda ring kilos-protesta laban sa korapsyon sa Nobyembre 30. RNT/JGC