Home NATIONWIDE COA, ‘nilinis’ si Villanueva sa anomalya sa flood control projects sa Bulacan

COA, ‘nilinis’ si Villanueva sa anomalya sa flood control projects sa Bulacan

1
0

MANILA, Philippines – Nilinis ng Commission on Audit (COA) nitong Huwebes si Senador Joel Villanueva mula sa anumang kinalaman sa mga anomalya sa multi-bilyong pisong flood control projects sa Bulacan, na itinuturing na bailiwick o teritoryo ng mambabatas.

Ipinadala ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba ang mga natuklasan ng komisyon sa Senate finance committee na nagsusuri sa 2027 budget, matapos hamunin ni Villanueva na ilantad sa publiko kung siya ay nasangkot sa mga fraud audit na inilunsad ng COA sa Bulacan.

“Walang paligoy-ligoy ito. Maaari ninyo bang i-disclose ang resulta [ng mga fraud audit]? Maaari ninyong sabihin iyan kahit sa harap ni Sen. JV — hindi ako mahihiyang marinig kung si Joel Villanueva ay sangkot sa mga flood control projects na-flag ng COA,” sabi ni Villanueva sa Filipino.

Ayon sa audit findings, umabot sa P98 bilyon ang napunta sa Central Luzon para sa mga flood control project mula Hulyo 2022 nang magsimula ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. hanggang Mayo 2025, kaya ito ang nanguna sa pinakamalaking tumanggap.

Sa halagang ito, sinabi ni Cordoba na tinatayang 45 porsyento o nakakagulat na P44 bilyon ang napunta sa Bulacan. Dahil sa laki ng pondo, inuna aniya ng COA ang Bulacan para sa fraud audit.

Nakumpleto na rin ng ahensya ang halos 50 fraud audit reports sa lalawigan, at karamihan dito ay mga “ghost” o hindi naman talaga umiiral na proyekto.

Ayon sa pinuno ng COA, karamihan sa mga “persons liable” o may pananagutan sa mga na-flag na proyekto sa Bulacan ay mga opisyal at tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na siyang implementing agency.

“Totoong mga tao ng DPWH, sila ang nagpapatupad [ng mga proyekto] dahil badyet ito ng DPWH… Si Senator Joel ay wala [sa mga natuklasan], at hindi siya implementer. Mambabatas siya,” tugon ni Cordoba kay Villanueva.

Si Villanueva ay isa lamang sa maraming mambabatas na sinasangkot sa umano’y kickback scheme sa mga flood control project. Sa isang pagdinig sa Kamara noong Setyembre ng nakaraang taon, itinuro ni dating DPWH-Bulacan district engineer Brice Hernandez si Villanueva sa tinatawag na “SOP scheme,” kung saan tumatanggap ng komisyon o kickback ang proponent sa bawat proyektong ini-endorso sa lalawigan.

Mariin itong itinanggi ng senador.

Inakusahan din si Villanueva na may walong flood mitigation projects na nagkakahalaga ng P600 milyon sa Balagtas at Bocaue, Bulacan, at umano’y tumanggap ng 30 porsyentong kickback sa bawat proyekto, ayon kay Hernandez na nananatiling nakakulong dahil sa maraming kasong may kaugnayan sa katiwalian sa flood control.

Hindi siya naaprubahan bilang state witness, bagamat opisyal siyang itinalaga ng Department of Justice at Ombudsman bilang “cooperative witness.”

Sinabi ni Cordoba sa panel: “Iba’t ibang isyu ang nakita namin; marami sa mga proyekto ay depektibo o hindi umiiral. Iyon ang naging konklusyon namin mula sa fraud audit, kaya nag-isyu kami ng mga notice of disallowance at naisumite na rin namin ito sa Office of the Ombudsman.”

Naipadala rin ito sa Independent Commission for Infrastructure na ngayon ay binuwag na, na binuo para imbestigahan ang mga umano’y anomalya sa multi-bilyong pisong pampublikong imprastraktura at flood control projects. Natapos ang operasyon nito noong Marso matapos ang anim na buwan.

Dinaing din ni Villanueva na umabot na sa “pinakamalala” ang sitwasyon ng pagbaha sa Bulacan, na ngayon ay umaabot na pati sa mga lugar na hindi dati binabaha. Sinabi niyang pati ang kanyang bahay ay binaha rin kasunod ng mga nagdaang habagat.

Inatasan ni panel chair JV Ejercito ang COA na isumite ang mga fraud audit bago ang plenary deliberations na pansamantalang nakatakda sa Nobyembre. Binigyang-diin niya ang pangangailangan na repasuhin ang mga natuklasan upang makapagpasya ang Senado kung aling mga proyekto ang bibigyan ng pondo para sa 2027.

Nabatid na ibinalik ng administrasyong Marcos ang badyet para sa flood control projects sa ilalim ng DPWH para sa 2027, isang taon matapos na mabigyan ng zero budget ang ahensya para sa mga anti-flood program.

May panukalang P643.95-bilyong badyet ang DPWH sa susunod na taon, kung saan P107.4 bilyon o 16 porsyento ang nakalaan para sa flood control. Sa halagang ito, P83.84 bilyon ang nais ilaan ng bulok na ahensya para sa locally funded flood control projects.

Nauna nang sinabi ni Ejercito na haharangan ng Senado ang pondo para sa mga bagong panukalang flood control projects, dahil uunahin ng komite ang pagtatapos ng mga hindi natapos na proyekto at pagtugon sa mga umiiral na problema upang maiwasan ang pag-ulit ng mga iskema ng katiwalian.

Sinang-ayunan naman ni Villanueva ang panawagan ni Ejercito na gumawa ng binding long-term master plan upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga proyektong imprastraktura, anuman ang administrasyon.

Naniniwala ang mga mambabatas na sa pagkakaroon ng master plan, matitiyak na lehitimo, batay sa ebidensya, nakaayon sa pangangailangan ng publiko, at natatapos sa oras ang lahat ng panukalang proyekto. Sa huli, maiiwasan din nito ang mga “patchwork” na proyekto na sadyang idinisenyo upang magkaroon ng puwang para sa kickback sa mga mambabatas. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here