Home NATIONWIDE Comelec nanindigan sa legalidad ng poll automation deal sa Miru

Comelec nanindigan sa legalidad ng poll automation deal sa Miru

MANILA, Philippines- Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules na napanatili nito ang legalidad ng poll automation contract na pinasok nito sa South Korean service provider na Miru Systems para sa May 2025 midterm elections.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia sa ginanap na contract signing para sa online voting ng overseas Filipino workers (OFW) noong Martes na hindi balat-sibuyas ang komisyon.

“We will not file a motion to cite him in contempt. Sa ating paniniwala, this is a free country,” pahayag ni Garcia.

Ang pahayag ng poll chief ay kaugnay sa alegasyon ng dating kinatawan ng Caloocan na si Edgar Erice laban sa P18.8 bilyong Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) project.

Nag-alok ang South Korean firm ng bid na P17.9 bilyon para sa proyekto.

Sinabi ni Garcia na maayos ang kanilang kontrata sa Miru at ito ay reresolbahin ng Korte Suprema.

Ayon pa sa Comelec chair, anumang pahayag tungkol sa usapin ay dapat talakayin sa kataas-taasang hukuman.

“Kung ano man gusto niya sabihin, maganda din sabihin niya lahat sa Korte Suprema dahil andun na ang case niya. Siya naman nag-file ng case niya sa SC. The first person who should respect the exercise of jurisdiction of the SC should be the petitioner of the case,” giit pa ni Garcia.

Kaugnay ng usapin, tumanggi rin ang Comelec na paunlakan ang imbitasyon ng dating mambabatas na dumalo sa kanyang press briefing.

Nitong Miyerkules, sinabi ni Erice na maraming red flags sa sistema ng Miru na posibleng hindi nakita ng Comelec.

Pangamba ni Erice, ang simpleng sistema ng recast ay maaring magdulot ng sandamakmak na disenfranchised voters.

Panawagan ni Erice sa Comelec na magsagawa ng time and motion trial para maiwasan ang kaguluhan sa mismong araw ng eleksyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden