Home NATIONWIDE Comelec pinasasagot sa petisyon sa pagkansela ng P17.9B Miru contract

Comelec pinasasagot sa petisyon sa pagkansela ng P17.9B Miru contract

MANILA, Philippines – Inatasan ng Supreme Court ang Commission on Elections (COMELEC) En Banc at ang South Korean provider na Miru Systems na sagutin ang petisyon ni dating Caloocan representative Edgar R. Erice na mapawalang-bisa ang P17.9 billion contract para sa 2025 National at Local Elections.

Sa resolusyon ng SC, ipinag-utos nito sa mga respondent na magkomento sa Petition for Certiorari with Prayer for the Issuance of an Ex Parte Temporary Restraining Order and/or Writ of Preliminary Injunction.

Ang Joint Venture na pinangunahan ng South Korean firm na Miru Systems Co. Ltd. ang nakakuha ng 2025 election contract na nagkakahalaga ng ₱17.9 billion.

Sa petisyon ni Erice, nilabag ng kontrata ang probisyon ng Automated Election Law partikular ang probisyon sa bidding procedures at pagamit ng prototype machines tuwing eleksyon.

Nakakabahala na ibinigay ang naturang kontrata sa Miru dahil kwestyonable umano ang track rekord nito kabilang ang alegasyon ng election failures sa Iraq at Congo na gumamit ng election machines ng Miru.

Posible umano na malugi ang pamahalaan ng ₱10 bilyon dahil sa naturang kontrata. Teresa Tavares