Home NATIONWIDE Bangkay ng dalagita lumutang sa ilog

Bangkay ng dalagita lumutang sa ilog

BONTOC, MT. PROVINCE- Pinaglalamayan na sa ngayon ang isang dalagita matapos malunod sa Chico River sa Brgy. Tocucan, Bontoc, Mountain Province.

Kinilala ang nasawi na si Veneizah Rupinta Atiwag, 12 anyos, Grade 6 pupil at residente ng nabanggit na barangay.

Ayon kay PMaj. Ryan Wakat, hepe ng Bontoc Municipal Police Station, bago ang insidente ay naglalaro ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa ilog na malapit lamang sa kanilang paaralan.

Habang naglalaro ay bigla umanong nadulas ang dalagita at nahulog sa ilog.

Kaagad naman umanong ipinaalam ng mga kasamahan ng biktima ang nangyari sa isang matanda na nasa lugar na siyang agad humingi ng tulong sa mga otoridad.

Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga miyembro ng Bontoc Municipal Fire Station, Bontoc Municipal Police Station at Bontoc Emergency Response Team.

Nagsagawa din ng mga ritwal ang mga lokal sa ilog sa pag-asang makikita ang dalagita.

Nakita ang bangkay ng dalagita isang daan at limampung metro ang layo mula kung saan ito nahulog.

Samantala isinailalim naman sa Psychological First Aid ang mga kaibigan ng biktima na kasama nito. Rey Velasco