Home NATIONWIDE 30 pamilya sa Isabela isolated sa bagyong Aghon

30 pamilya sa Isabela isolated sa bagyong Aghon

DINAPIGUE, Isabela – Posibleng madagdagan pa ang bilang ng pamilya na na-isolate dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan na dulot ng pananalasa ng bagyong Aghon sa Barangay Dimalwade, Dinapigue, Isabela.

Ayon kay Mayor Vicente Mendoza ng Dinapigue, Isabela, nasa humigit kumulang tatlumpong pamilya na naisolate dahil sa pag-apaw ng ilog sa pananalasa ng bagyong Aghon.

Hindi makaalis ang mga residente sa lugar upang bumili ng kanilang mga pangangailangan sa bayan sapagkat mataas parin ang lebel ng tubig matapos ang ilang araw na mga pag-ulan bago ang pananalasa ng nasabing bagyo.

Bago pa man ang pananalasa ng bagyong Aghon ay nakapagsagawa na ang Municipal Disaster Risk Reduction Management ng emergency meeting upang mapagplanuhan ang mga hakbang na isasagawa ng lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng bagyo.

Nagbaba na rin ng kautusan ang lokal na pamahalaan sa mga barangay lalo na sa malapit sa ilog na maging alerto sa posibilidad ng pagbaha at magsagawa ng preemptive evacuation kung kinakailangan.

Bukod sa Barangay Dimalwade ay mayroon din umanong mga barangay na hindi pa maabot ngayon ng mga sasakyan dahil sa ilang mga naitalang landslide.

Ngayong araw, muli umanong nag-abiso ang LGU-Dinapigue sa mga mangingisda na iangat ang kanilang mga bangka dahil sa bahagyang paglaki ng mga alon sa dagat.

Paalala naman ni Mayor Mendoza sa mga residente na iwasan na magpumilit na tumawid sa mga umapaw na ilog dahil lubha pa itong mapanganib.

Nagsagawa naman ng prepositioning ng mga food and non-food items ang pamahalaang panlalawigan para sa mga apekdatong mga residente sa Isabela dahil sa Bagyong Aghon.

Samantala, Mahigpit na ipinatutupad ng pulisya ang Liquor ban sa mga bayan ng 𝗗𝗶𝗻𝗮𝗽𝗶𝗴𝘂𝗲, 𝗣𝗮𝗹𝗮𝗻𝗮𝗻, 𝗗𝗶𝘃𝗶𝗹𝗮𝗰𝗮𝗻, 𝗦𝗮𝗻 𝗠𝗮𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼, 𝗦𝗮𝗻 𝗚𝘂𝗶𝗹𝗹𝗲𝗿𝗺𝗼, 𝗝𝗼𝗻𝗲𝘀, 𝗘𝗰𝗵𝗮𝗴𝘂𝗲, 𝗦𝗮𝗻 𝗔𝗴𝘂𝘀𝘁𝗶𝗻, 𝗜𝗹𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗖𝗶𝘁𝘆, 𝗕𝗲𝗻𝗶𝘁𝗼 𝗦𝗼𝗹𝗶𝘃𝗲𝗻, 𝗖𝗶𝘁𝘆 𝗼𝗳 𝗖𝗮𝘂𝗮𝘆𝗮𝗻, 𝗠𝗮𝗰𝗼𝗻𝗮𝗰𝗼𝗻, 𝗔𝗻𝗴𝗮𝗱𝗮𝗻𝗮𝗻, 𝗡𝗮𝗴𝘂𝗶𝗹𝗶𝗮𝗻 alinsunod sa Ordinance No. 2020-13-1 ng Sangguniang Panlalawigan. Ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili at pag-inom ng mga nakalalasing na inumin sa lahat ng mga tindahan. Rey Velasco