Home NATIONWIDE Comelec, service provider pipirma ng kasunduan sa overseas voting sa 2025 polls

Comelec, service provider pipirma ng kasunduan sa overseas voting sa 2025 polls

MANILA, Philippines – Lalagda ng kontrata ang Commission on Elections (Comelec) at ang joint venture (JV) na SMS Global Technologies, Inc. at Sequent Tech Inc. para sa Online Voting at Counting System (OVCS) project sa Hunyo 25.

Sa abiso nitong Lunes, sinabi ng Comelec na ang paglagda ng kontrata ay itinakda alas 10 ng umaga sa main office nito sa Intramuros, Maynila.

Pagkatapos ng contract signing ay susundan ng demonstration ng internet voting system ng JV.

Ang OVCS ay gagamitin ng mga overseas Filipinos para bumoto sa May 2025 midterm polls.

Noong nakaraang buwan, iginawad ng Comelec en banc ang proyekto sa JV ng SMS at Sequent matapos magsumite ng bid proposal na P112 milyon, mas mababa kaysa sa inaprubahang badyet ng proyekto na P465.8 milyon.

Samantala, pinaalalahanan ni Comelec chairperson George Garcia si dating Caloocan congressman Edgar Erice na iwasang magkomento sa legalidad ng kontrata ng Full Automation System na may Transparency Audit/Count (FASTrAC).

Sa isang liham sa dating mambabatas, binalaan ni Garcia si Erice na maaaring maharap siya sa indirect contempt charges mula sa Supreme Court (SC) kung magpapatuloy siya sa pagsasalita sa kontrata sa pagitan ng poll body at ng JV ng Miru Systems Co. Ltd., Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies, Inc.

“The Comelec is equally mindful of its duty to abide by the sub judice rule, lest it commits acts that may constitute indirect contempt. We stand firm in our position that any further discussion about the legality or illegality of the contract between Comelec and joint venture of Miru Systems should be presented before the courts,” sabi ni Garcia.

Tinanggihan ni Garcia ang imbitasyon ni Erice para sa Comelec na sumama sa kanya sa isang nakatakdang media conference, dahil nakabinbin ngayon ang petisyon sa usapin sa mataas na hukuman.

Naghain si Erice ng petisyon laban sa P17.9 bilyong kontrata ng Comelec-Miru sa 2025 poll automation project sa high tribunal noong Abril.

Noong nakaraang buwan, inatasan ng SC ang magkabilang panig na magsumite ng kanilang mga komento sa petisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden