MANILA, Philippines- Sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules ang voter education and automated counting machine (ACM) demonstration para sa indigenous peoples (IPs) sa Pampanga dahil sa masamang panahon.
Ipinagpaliban din ng poll body ang pagsusuri ng dokumento ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nakatakda sa Huwebes, Hulyo 25.
“The Voter Education and ACM Demonstration for IPs in Mabalacat, Pampanga and the Document Evaluation in Bamban, Tarlac scheduled tomorrow, July 25, 2024 [are] postponed due to inclement weather and severe flooding in NCR, Region 3 and most of Luzon,” ayon sa Comelec.
Nauna nang sinabi ni Chairperson George Erwin Garcia na nakatakdang bumisita ang Comelec sa Bamban sa Hulyo 25 para kumuha ng mga dokumento para sa kaso ni Guo kabilang ang election day computerized voters list (EDCVL), na naglalaman ng mga detalye ng mga botante na bumoto kasama ang kanilang fingerprints.
Sinabi ni Garcia na ang ebidensya ay makakatulong sa Office of the Solicitor General sa quo warranto petition na inaasam nitong ihain laban kay Guo bago matapos ang buwan.
Samantala, malakas na pag-ulan ang nararanasan sa malaking bahagi ng bansa nitong Miyerkules dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat.
Kaugnay pa rin ng bagyong Carina, sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa trabaho at klase sa Metro Manila ngayong araw.
Marami ring lugar sa labas ng Metro Manila ang nagsuspinde ng klase dahil sa masamang lagay ng panahon.
Bukod sa pagsususpinde sa trabaho at klase, ilang flight din ang nakansela.
Samantala, sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pinalawak na number-coding scheme at pinahintulutan ang mga bus, anuman ang ruta, na gamitin ang EDSA para sa mas mabilis na paggalaw dahil sa mga binahang lugar sa Metro Manila. Jocelyn Tabangcura-Domenden