Home METRO “Condonation 7” ng NHA, pinalawig ‘gang katapusan ng taon

“Condonation 7” ng NHA, pinalawig ‘gang katapusan ng taon

323
0

MANILA, Philippines – Mas pinalawig pa ng National Housing Authority (NHA) ang ‘Condonation 7’ program hanggang Disyembre 31, 2025, upang matulungan ang mga benepisyaryo ng pabahay na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad na tumama sa iba’t ibang rehiyon ng ating bansa.

Tinaguriang “pinakamalaking Condonation program sa kasaysayan ng NHA,” ang Condonation 7 ay isang inisyatiba ni General Manager Joeben A. Tai na nag-aalis ng 100% ng mga multa at delinquency interes at 95% ng hindi pa nababayarang interes sa amortisasyon para sa libu-libong deliquent accounts ng ahensya.

“Nauunawaan namin ang kalagayang pinansyal ng bawat benepisyaryo ng ating mga pabahay, lalo’t higit po yung mga naapektuhan po ng magkakasunod na habagat, bagyo at lindol, kung kaya’t hinihikayat pa po namin ang mas marami pa naming account holders na pumunta po sa pinakamalapit na tanggapan ng NHA sa inyong lugar at i-avail po ang programang ito dahil ito po ay tutugon sa pangangailangan ng ating mga resettled families, lalo na sa aspeto ng affordability at accessibility ng pabahay,” wika ni GM Tai.

Ayon sa pinakabagong datos ng ahensya, may kabuuang P497.951 milyon halaga ng interest charges na ang inalis mula sa 9,850 benepisyaryo ng NHA.

Inaasahan na magtatapos sa Oktubre 31, 2025, nagsimula ang Condonation 7 noong Mayo 1 ng taong ito, na nagbigay sa bawat benepisyaryo ng ahensya ng paunang anim (6) buwan na i-restructure ang kanilang mga loans at tiyakin ang pagmamay-ari ng kanilang mga tahanan.

Sa ilalim din ng programang ito, maghahandog din ang NHA ng mga insentibo sa mga benepisyaryong may updated na account o magandang rekord ng pagbabayad sa kanilang buwanang amortisasyon, tulad ng mga diskwento at iba pang benepisyo.

Bilang pagsuporta sa nasabing inisyatibo, nagsasagawa rin ang NHA, sa tulong ng mga regional at district offices nito, ng malawakang information at application drives upang magpaalala sa mga housing beneficiaries tungkol sa mga requirements na kailangan nilang isumite upang makapag-apply sa programa.

Ang Condonation 7 ay isa sa mga programa ng NHA alinsunod sa pagdiriwang nito ng ika-50 nitong founding anniversary ngayong taon.

Ang hakbang na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng NHA na suportahan ang bawat pamilyang may mababang kita na magkaroon ng katiwasayan sa aspetong pinansyal na pasanin, alinsunod na rin sa hangarin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng isang Bagong Pilipinas. DANNY QUERUBIN 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here