MANILA, Philippines – Inihirit ng Tingog Partylist at Leyte Rep Martin Romualdez sa House Leadership na agad itakda ang paglulunsad ng isang pormal na congressional inquiry hinggil sa naganap na madugong shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay Tingog Partylist Rep Andrew Julian Romualdez, ang nnaturang trahedya ay hindi lamang dapat humantong sa pagpapanagot sa mga may-sala, kundi sa mas malalim na pagsusuri sa mga sistemang itinatag para protektahan ang mga kabataan.
Tatlong mag-aaral ang nasawi sa insidente habang 20 iba pa ang sugatan kung saan ang ilan sa mga biktima ay kasalukuyan pang nagpapagaling sa iba’t ibang ospital sa lungsod.
Samantala, personal na binisita kamakailan ng matandang Romualdez ang Tacloban upang makiramay sa mga naulilang pamilya at tingnan ang kalagayan ng mga sugatáng estudyante.
“A school day that should have ended like any other instead became a tragedy that no parent, no friend, no classmate, and no community should ever have to bear,” pahayag ni Romualdez.
“There are no words that can ease what these families are going through. To the bereaved families and to the recovering students: Know you are not alone. Your grief is shared and felt deeply by this community,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon kay Romualdez, sentro ng isinusulong na congressional inquiry ang pagtiyak na makakamit ang hustisya sa pamamagitan ng patas at tamang proseso, partikular na dahil mga menor de edad ang kasangkot sa insidente.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na hindi dapat ituring na hiwalay o “isolated case” ang naganap na pamamaril, kundi isang hudyat para suriin ng pamahalaan kung epektibo ba ang mga batas at seguridad sa mga paaralan.
Target ng panukalang imbestigasyon ng Kamara na mas lumalim ang pag-unawa sa mga circumstances nagbigay-daan sa trahedya upang makabuo ng mga kailangang reporma para maiwasan ang pag-ulit nito sa hinaharap.
Kabilang sa mga isasailalim sa pagsusuri sa imbestigasyon ang juvenile justice and welfare system, school safety protocols, mental health at counseling services, at ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, magulang, barangay, law enforcement, at iba pang ahensya ng gobyerno.
“The goal would not only be accountability, but understanding, to find where the systems meant to shield our children instead left them exposed, and to turn that understanding into real reform,” dagdag ni Romualdez.
Binigyang-diin niya na ang pagkamatay ng mga batang mag-aaral sa loob mismo ng kanilang campus ay dapat magsilbing matinding babala sa lahat ng institusyon na kumilos nang may agarang atensyon at malasakit. Gail Mendoza