MANILA, Philippines – Inalis na ng House Quad Comm ang contempt at detention order laban kina dating presidential spokesperson Harry Roque, kanyang asawa na si Mylah, dating presidential adviser Michael Yang, at dalawang iba pa, kasunud ng pagtatapos ng House Inquiry ng komite sa isyu ng illegal drugs, extrajudicial killings (EJKs) at POGO.
Kasama din sa pinalalaya na ng komite ay sina Police Col. Hector Grijaldo at Senior Police Officer 4 Arthur Narsolis.
“The motion to lift the contempt order for Col. Grijaldo, spouses Myla and Atty. Harry Roque, retired police officer Arthur Narsolis, and Mr. Michael Yang—so moved, Mr. Chairman,” sabi ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, isa sa mga co-chair ng Quad Comm.
“There is a motion to lift the contempt order… and it was duly seconded. Are there any objections? Hearing none, the motion is approved,” pahayag naman ni Quad Comm lead chair Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Dalawang beses pinatawan ng contempt si Roque noong 2024—una dahil sa pagbibigay ng maling testimonya kaugnay kay Cassandra Ong, isang kinatawan ng POGO, at ikalawa dahil sa pagtangging isumite ang mga dokumento hinggil sa operasyon ng POGOs.
Sa kasalukuyan ay may arrest warrant si Roque para sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng Lucky South 99, isang POGO hub na ni-raid sa Porac, Pampanga.
Ang kanyang asawa na si Mylah ay ilang ulit din pinasubpoena dahil sa kanyang papel sa pagbili ng mga ari-arian na kaugnay ng POGO hub.
Si Michael Yang na dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay pina-subpoena noong 2024 kaugnay ng isang P3.6-bilyong drug bust sa Mexico, Pampanga at ilegal na operasyon ng POGOs.
Iniugnay din si Yang sa Empire 999 Realty Corp. at ilang negosyong pinamumunuan ng mga Chinese na sinasabing ginamit bilang front sa shabu trafficking.
Sa pagakaka-aresto ng kaniyang kapatid na si Tony sa Cagayan de Oro City noong nakaraang taon ay nabunyag ng mga bodega na ginagamit sa parehong POGO at drug smuggling, dahilan upang ituring ng ilang mambabatas si Yang bilang “central figure” sa sindikatong nag-uugnay sa offshore gaming at ilegal na droga.
Si Grijaldo ay nakakulong sa Quezon City Police Station 6 mula pa noong Disyembre 2024 matapos paulit-ulit na hindi sumipot sa mga pagdinig tungkol sa EJKs sa ilalim ng kampanya kontra droga.
Si Narsolis, na umano’y nag-utos sa dalawang hitman na patayin ang tatlong Chinese drug suspects sa Davao Penal and Prison Farm noong Agosto 2016, ay pinatawan din ng contempt matapos paulit-ulit na hindi dumalo sa mga pagdinig ng komite. Nanatiling at large si Narsolis at hindi kailanman humarap sa panel.
Ayon sa mga saksi, isinagawa niya ang operasyon sa utos umano ni dating pulis colonel at dating PCSO general manager na si Royina Garma.
Ngayong nalusaw na ang kapangyarihan ng komite na magpataw ng contempt, pagsasamahin ang mga natuklasan nito sa isang final report para sa mga legislative recommendation.
Ang mega-panel ay binubuo ng mga Committee on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts. Gail Mendoza