Home HOME BANNER STORY Contractor ng bagong Senate building ipinagtanggol ng DPWH

Contractor ng bagong Senate building ipinagtanggol ng DPWH

MANILA, Philippines – Dinipensahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Sabado, Hunyo 15 ang contractor ng bagong Senate building sa Taguig.

Sa panayam ng ABSCBN News, sinabi ni Project Director Engr. Soledad Florencio ng DPWH na wala silang nakitang problema sa performance ng Hilmarc’s Construction Corp. (HCC).

“So far naman po, wala naman po kaming nakikitang iregular sa ginagawa ng contractor,” ani Florencio.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng pagpuna ni Senate Committee on Accounts Chairman Alan Peter Cayetano sa contractor sa umano’y hindi pagsunod sa technical specifications na nagdulot ng ‘costly delays.’

Binanggit nito ang ulat ng Senate Coordinating Team patungkol sa kulang na waterproofing sa tiles at pagpalyang sundin ang angkop na taas ng kisame.

Ani Florencio, nakatutok ang DPWH sa nagpapatuloy na trabaho para sa Phase 1 at Phase 2 ng bagong gusali ng Senado.

“All in all po, sa Senate building, at doon po sila naka-on site is nasa 45 engineers. Meron po yung structural engineer, meron pong mechanical engineer, electrical engineer, may mga sanitary engineers po yun,” aniya.

Nasa Senado na umano ang desisyon kung papalitan nila ang HCC ng iba pang contractor kasunod ng pagsusuri nito sa proyekto.

Aniya, mismong Senado ang humiling na may mga baguhin mula sa orihinal na project plan.

“Halimbawa po, ang isang palapag, ang original po noon is ang nakalagay is mga offices lang. Minsan nababago, ang sasabihin po ng Senate Coordinating Team, baka pwedeng from office, gagawing storage room,” sinabi pa ni Florencio.

Dagdag pa niya, bilang project implementors ay sinusunod lamang nila ang kautusan ng SCT lalo na sa ilalim ng batas, ay pinapayagan lamang ang pagbabago sa mga proyekto basta’t ito ay hindi lalampas sa 10% ng total project cost.

“Sumusunod lang po kami. Ikaw magpapagawa ka ng bahay, may gusto kang baguhin, siyempre hindi yung contractor or supervisor ang magpapabago nun, yung may-ari,” anang Project Director.

Inabisuhan na rin umano nila ang kanilang kliyente, ang Senado, na ang mga pagbabago ay maaaring magdulot ng delay at karagdagang gastos.

Samantala, inireklamo naman ni Cayetano ang procurement methods ng DPWH.

Sa ulat ng SCT, sinabi ni Cayetano na may mga pagkakataon na binili na agad ang ibang mga gamit na hindi pa gagamitin at ang mga gamit na kailangan na ang siyang hindi pa nabibili.

Hindi na sumagot si Florencio patungkol dito at sinabing sinisiguro nilang nagagamit ang lahat ng mga materyales na naideliver na.

“Pag nag-order ng materyales, definitely, iinstall na yun, gagamitin na,” aniya.

Mahigpit din ang DPWH pagdating sa pagsisiguro na ang mga materyales na ginagamit ay tumutugon sa required specifications na nakasaad sa kontrata.

“Wala po talaga kaming itinatago. At masasabi ko po na doon lang kami sa tama. Wala pong anomalya,”

Phases 1 at 2 ng proyekto ang pinagtutulungan ng DPWH at HCC. Kabilang dito ang konstruksyon ng structural framework ng gusali at mga priority areas.

Habang ang lahat ng phase ay kasalukuyang ‘under review,’ sinabi ni Cayetano na tanging ang phase 3 ang ipinahinto nila upang maiwasan ang lalo pang pagkaantala ng proyekto.

Noong nakaraang linggo ay ipinag-utos ni Senate President Francis Escudero ang suspensyon kasabay ng pagkwestyon nito sa lumulobong gastos ng proyekto na umabot na ng P23 bilyon mula sa orihinal na P8.9 bilyon.

Nang tanungin kung mapapababa pa ba ang total project cost na hindi nasasakripisyo ang kalidad, sinabi ni Florencio na posible pa rin ito.

“Siguro naman malo-lower. Yun P23 billion na yun, medyo hindi yata tama yung laki ng proyekto, laki ng budget na yun,” aniya. RNT/JGC