MANILA, Philippines – Siniguro ng kampo ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na haharapin nito ang mga kasong inihain ng Department of Justice.
Nitong Biyernes, Hunyo 21 ay naghain ng kasong qualified human trafficking ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Guo at 13 iba pa.
Ito ay may kaugnayan sa illegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Zun Yuan Technology sa Bamban.
“Ngayon magkakaroon kami ng pagkakataon na malinis ‘yung pangalan niya, hindi sa mata ng biased public opinion,” ani Atty. Stephen David, abogado ni Guo.
“Naunahan kami ng publicity trial.”
Sa reklamo, sinabi ng mga awtoridad na si Alice Leal Guo ay kilala bilang si Chinese national Guo Hua Ping na itinanggi naman ni David.
“Very ridiculous ‘yun, ano,” ani David.
“Kapag hindi nila napatunayan ‘yun papaano ‘yun eh di sila ang fa-filan ng counter charge?”
Iginiit din ng abogado na hindi tatakasan ni Guo ang mga reklamo kasunod ng naging pahayag ng DOJ na inihahanda na ang Immigration Lookout Bulletin Order laban sa akusado.
“Kung talagang gustong tumakas ni Mayor eh di noon pa tumakas na siya eh Mayor siya eh alangan namang iwanan niya ‘yung kanyang constituents,” giit ni David.
“Haharapin namin ‘yan kasi flight is evidence of guilt.”
Naghain ng counter argument ang kampo ni Guo sa Office of the Ombudsman kaugnay sa graft case na inihain laban sa kanya.
Nakatakda ring dumalo ang alkalde sa susunod na Senate hearing sa Hunyo 26.
Siniguro ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz na sinunod nila ang legal process.
“We want everything to be transparent and we want people to know kung ano ‘yung nangyayari sa loob ng POGO,” pagbabahagi ni Cruz sa isang panayam.
“Hindi natin siya sina-subject sa trial by publicity.”
Ani Cruz, ang alegasyon na si Alice Guo at Guo Hua Ping ay iisa ay ibinase nila sa mga dokumento mula sa Bureau of Immigration at Board of Investments. Ito ay ang Chinese passport at Special Investors Resident Visa (SIRV).
Sa susunod na linggo ay nakatakda silang maghain ng panibagong kaso laban kay Guo.
“That’s for the Porac illegal POGO hub kasi kabit kabit naman ito eh.”
Nauna nang sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio previously na si Guo ay posibleng may kaugnayan sa criminal syndicate sa likod ng illegal POGOs sa Bamban at Lucky South 99 sa Porac, Pampanga. RNT/JGC