HAPPY birthday muna sa aking mga kamag-anak na nagdiriwang ng kanilang kaarawan. Ewan ko nga ba kung bakit itong magkapatid na Anna Marie Adriano a.k.a. Benz Adriano at Alberto “Jojo” Adriano ay ipinanganak ng magkasunod na petsa, October 14 at October 15. HIndi ko na babanggitin pa ang taon ng kapanganakan dahil baka ako ay kanilang dagukan. Ha! Ha! Ha! Dalangin ko ang inyong maayos na kalusugan at mahabang buhay kaya kumain lagi ng gulay. Muli MALIGAYANG KAARAWAN.
Syempre, HAPPY BIRTHDAY din kahit late ang pagbati sa aking paboritong dentista Dr. Albert Lawrence “Lance” Bunnell na nagcelebrate noong October 12. Hindi nag-imbita. Ha! Ha! Ha!
* * * * * *
PATULOY ang anomalya sa mga proyekto ng flood control. Sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon at mga proyektong substandard, hindi natapos o di kaya’y “multo”, marami ang nagtatanong kung bakit hindi rin gaanong natututukan ang mga opisyal ng gobyerno, kasama na ang mga senador at congressman, na may direktang responsibilidad sa pagpili, pag-apruba, at pagsubaybay sa mga proyektong ito.
Ayon sa Independent Commission for Infrastructure, sa kasalukuyan ay wala pa silang nakikitang sapat na ebidensya upang direktang mag-akusa ng mga opisyal ng gobyerno. Ito ay sa kabila ng patuloy nilang imbestigasyon mula sa pinakamababang ranggo hanggang sa pinakamataas. Sinabi ni Special Adviser Rodolfo Azurin na ang anomang kasong isasampa ay dapat na nakabatay sa matibay na ebidensya.
Gayunpaman, hindi maiwasan ang pagdududa ng publiko. Bakit tila ang mga kontratista at mga district signatories lamang ang nakikitang may pananagutan? Hindi ba’t ang mga senador, congressman, at Department of Public Works and Highways ang may kapangyarihang magdesisyon kung sino ang bibigyan ng kontrata? Hindi ba’t sila rin ang may tungkuling tiyakin na ang mga proyekto ay naipatutupad nang maayos at naaayon sa mga itinakdang pamantayan?
Dagdag pa rito, may mga alegasyon na ang ilang mambabatas ang siyang nagdidikta kung sinong kontratista ang dapat bigyan ng proyekto, dahil sila ang may kontrol sa pondo para sa mga imprastraktura. Kung totoo ito, hindi ba’t dapat ding imbestigahan ang mga mambabatas na ito?
Hindi rin nakakalimutan ng publiko na ang Malacanang ay pilit na itinanggi ang anomang kinalaman ni Pangulong Ferdinand Marcos sa mga katiwalian sa flood control, kahit pa siya ang pumirma sa 2025 National Budget. Ito ay nagdaragdag lamang sa mga katanungan at pagdududa.
Sa ganitong sitwasyon, mahalaga na maging transparent at walang kinikilingan ang ICI sa kanilang imbestigasyon. Hindi dapat na limitado lamang ito sa mga kontratista at district signatories. Dapat ding tutukan ang mga opisyal ng gobyerno at mga mambabatas na may kinalaman sa mga anomalya.
Ang layunin ay hindi lamang ang maparusahan ang mga nagkasala, kundi pati na rin ang matukoy ang mga systemic na problema na nagbibigay daan sa korapsyon. Sa pamamagitan nito, maaaring makabuo ng mga reporma na magtitiyak na ang mga proyekto ng flood control ay tunay na makakatulong sa mga mamamayan at hindi lamang pagkakitaan ng iilan.
Kung ang mga kontratista lamang ang patuloy na makikitang may kasalanan, habang ang mga opisyal ng gobyerno ay nananatiling ligtas, mananatili ang pagdududa at kawalan ng tiwala ng publiko sa sistema. Kailangan ng isang malawakan at walang kinikilingang imbestigasyon upang tunay na malutas ang mga problema sa flood control at maibalik ang tiwala ng tao sa gobyerno.






