Home NATIONWIDE Courtroom, nangangailangan ng respeto, ‘di ng pataasan ng boses — Diokno

Courtroom, nangangailangan ng respeto, ‘di ng pataasan ng boses — Diokno

2
0

MANILA, Philippines – Ang asal sa loob ng korte ay dapat nakasalig sa respeto, tamang kaugalian, at wastong pag-uugali at hindi sa kabaitan ng mga naglalabang abogado sa isa’t isa, ayon kay House prosecutor at Akbayan Party-list Representative Chel Diokno.

Ginawa ni Diokno ang paglilinaw na ito nang tanungin siya tungkol sa kilos ng depensa laban sa prosekusyon matapos humingi ng “kabaitan” ang mga abogado ni Vice President Sara  Duterte sa gitna ng Senate impeachment trial.

Matatandaang sa paglilitis noong Huwebes, kinailangan pang mamagitan ni Presiding Judge at Senator Francis “Chiz” Escudero sa isang mainit na pagtatalo sa pagitan ng abugado ng prosekusyon na si Atty. Lorna Kapunan at abugado ng depensa na si Atty. Kristine Ferrer.

“Ako ay litigator for more than 30 years na akong pumupunta sa court. Halos lahat siguro ng court ay napuntahan ko,” ani Diokno sa isang press conference.

Batay sa kanyang karanasan, sinabi niyang hindi maaaring hingin ng mga litigating party ang paborableng trato mula sa kanilang mga kalaban. Gayunpaman, giit ni Diokno, maaari nilang igigiit na sundin ng bawat kalahok ang mga patakaran ng korte at igalang ang tribunal, kalabang abogado, at mga saksi.

“Wala namang expectation ang sinumang kabahagi ng isang court case to kindness,” ani Diokno.

“Of course, we all want kindness as a human virtue, but as far as court rules are concerned, ang importante ay masunod iyong court decorum and proper court behavior,” paliwanag nito.

Para kay Diokno, ang pangunahing obligasyon ay hindi lamang simpleng pagiging magalang bilang personal na desisyon. Ang respeto ay isang propesyonal na pangangailangan na tumutulong upang mapanatiling maayos ang mga paglilitis kahit pa magkaiba ang pananaw ng mga partido.

“Ang pinaka-essence ng court decorum talaga ay respeto, respeto sa judge, respeto sa kalaban,” giit nito.

Sinabi ni Diokno na inaasahan ng prosekusyon na manaig ang mga pamantayang ito sa buong kaso ng impeachment at handa silang tumawag o sumita sa sinumang lumihis dito.

“That is what we are hoping and insisting will happen in this impeachment case, and we will always be ready to call out anyone who is not following proper court decorum,” ani Diokno.

Nagpahayag din siya ng pangamba na ang mga mag-aaral ng abogasya na nanonood sa trial ay maaaring magkaroon ng maling pananaw, ito umano ang  dahilan kung bakit patuloy siyang gumagawa ng mga paliwanag o explainer hinggil sa mga patakaran at proseso ng batas para sa mga estudyante, batang abogado, at sa publiko.

Aniya, ang pagtaas ng boses sa kalabang abogado ay hindi nagpapalakas sa mahinang argumento o nagdidikta kung tatanggapin ito ng hukom.

“Ang kailangan lang, matibay at solid ang argumento mo. Hindi naman pataasan ng boses ang court hearing,” giit ni Diokno.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat pinuputol ng isang abogado ang pagsasalita ng isang saksi. Maaaring tumutol, humingi ng paglilinaw, o humiling na alisin ang hindi angkop na pahayag, ngunit dapat itong gawin sa pamamagitan ng tamang proseso.

“We should never interrupt a witness while they are speaking. Kung hindi tama iyong sinabi ng witness at dapat i-strike from the record, then I will wait for the witness to finish before I ask that the statement be removed from the record,” paglilinaw pa ng mambabatas. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here