QUEZON CITY- ARESTADO ang isang 19-anyos na criminology student matapos isilbi ng mga awtoridad ang arrest warrant sa kasong panggagahasa sa sarili nitong pinsan na dalagita, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Nakakulong ngayon sa detencion cell ng Fairview Police station, ang suspek na itinago sa pangalang Carlo, at residente ng nasabing lungsod.
Ayon kay Lt. Col. Richard Mepania, hepe ng Fairview Police Station, nasa 2nd most wanted person sa lungsod ang suspek na nadakip sa terminal ng jeep na sakop ng Barangay Greater Lagro, Fairview.
Nag-ugat ang kaso ng suspek noong May 20, 2022, matapos gahasain ang sariling pinsan na 12-anyos lamang noon.
Dagdag pa ng pulis, nagpanggap ang suspek na ibang tao sa pamamagitan ng chat sa social media at nakipagkita sa biktima saka isinakatuparan ang makamundo nitong pagnanasa.
Sinabi ni Mepania, tinakot ng suspek ang biktima na isusumbong ito sa kanyang mga magulang na ito ay boypren.
Subalit, naglakas-loob naman ang biktima na nagkukwento sa kanyang kaibigan at isinumbong ito sa mga magulang na nagresulta sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
Sa himpilan ng pulisya, mariin itinanggi ng suspek ang akusasyon laban sa kanya./Mary Anne Sapico