Home NATIONWIDE Cross-drainage flood control project sa España sisimulan sa Setyembre – DPWH

Cross-drainage flood control project sa España sisimulan sa Setyembre – DPWH

3
0

MANILA, Philippines – SINABI ni Public Works Secretary Vince Dizon na target ng gobyerno na simulan sa susunod na buwan, Setyembre, ang isang cross-drainage project sa kahabaan ng España Boulevard sa layuning pagaanin ang paulit-ulit na problema sa pagbaha sa nasabing lugar.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni Dizon na hangad ng proyekto na i-channel ang floodwater mula España Boulevard patungong Pasig River.

“Meron tayong sisimulan sa España this year, ngayong September, na cross drainage,” ani Dizon.

“Ang problema kasi sa España, walang pinupuntahan ang tubig eh. Kapag napuno na ang mga lumang drainage, maliliit pa, aapaw na. So kailangan ‘yung tubig dadalhin natin. Meron tayong gagawin na apat na cross drainages na didiretso, tatapon sa mga estero natin papuntang Pasig River sa Maynila,” dagdag na wika nito.

Ito’y matapos na lumubog sa tubig-baha ang España Boulevard, maging ang loob ng University of Santo Tomas (UST) campus.

Ani Dizon, nagpapatuloy ang declogging sa mga drainage sa España Boulevard, subalit outdated na ang mga ito.

“Ang problema sa España talaga, unang-una, ang mga drainage lumang-luma na talaga ‘yan. Never pang napalitan ‘yan since, I don’t know, the last 50 years siguro. So kailangan nating palakihin,” ang sinabi ng Kalihim.

Tinuran pa ni Dizon na ang drainage improvement projects sa Metro Manila ay popondohan sa ilalim ng panukalang 2027 national budget. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here