Home NATIONWIDE CSC nagbabala sa publiko vs nag-aalok ng civil service reviewers at review...

CSC nagbabala sa publiko vs nag-aalok ng civil service reviewers at review centers

MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ang pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) na hindi sila nag-eendorso ng anumang review material o review center para sa Career Service Examination (CSE).

Ang naturang pahayag ay sinabi ni CSC Chairperson Karlo Nograles kasabay ng babala nito sa publiko laban sa mga review center, grupo, at pribadong indibidwal na gumagamit ng pangalan, logo, at website ng CSC o nagpapakilala na ineendorso sila ng nasbaing Komisyon sa pag-aalok ng online at face-to-face review class para sa CSE Professional at Subprofessional Levels.

Pinaalalahanan din ni Nograles ang mga examinees na maging maingat sa mga review materials na ibinebenta sa mga bookstore, sa social media channels, at sa mga online selling platforms, na sinasabing mga reproductions ng aktwal na eksaminasyon na dating pinangangasiwaan ng CSC.

“Sa tuwing nalalapit ang civil service exam, talagang naglalabasan ang mga review centers and reviewers na nag-aalok umano ng tutorials sa murang halaga. We are once again reminding the public that the CSC does not prescribe, accredit, or endorse any form of review classes nor do we produce or disseminate any review materials for the CSE. Enrollment in review centers and purchase of these products are the sole discretion of applicants,” giit ni Chairperson Nograles.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9416 o ang Anti-Cheating Law, ang hindi awtorisadong pagmamay-ari ng, at/o hindi awtorisadong paggamit, pagpaparami at/o pagpapakalat sa anumang anyo ng, mga materyales sa pagsusulit, sa kabuuan o bahagi, ng isang indibidwal, pribado man o empleyado ng gobyerno, grupo o review center, mula sa hindi awtorisadong pinagmulan, ay dapat ituring na isang gawa ng pandaraya. Ang sinumang tao na gumawa ng ipinagbabawal na gawain ay maaaring patawan ng parusang pagkakulong na hindi bababa sa anim (6) na taon at isang (1) araw ngunit hindi hihigit sa labindalawang (12) taon at multang hindi bababa sa limampung libong piso P50,000.00.

Para sa layuning ito, ang mga sumusunod na gawain ay ipinagbabawal: Pagkopya ng mga tanong sa pagsusulit; pagpunit ng anumang pahina ng test booklet; pag-uwi ng test booklet o anumang pahina nito; at iba pang katulad na mga pagkakataon tulad ng pagkakaroon ng mga test booklet ng mga review center.

Pinaalalahanan ng CSC ang publiko na ang mga paglabag sa naturang mga probisyon ay maaaring iulat sa CSC Contact Center ng Bayan sa pamamagitan ng SMS sa 0908-881-6565 o sa pamamagitan ng email sa [email protected].

Ang mga ulat ay maaari ding ipadala sa CSC Examination, Recruitment, at Placement Office sa pamamagitan ng mga numero ng telepono 8951-2578 at 8931-8163; o sa pamamagitan ng pag-email sa [email protected].