MANILA, Philippines — Sinita ng Office of the Ombudsman ang contractor na si Curlee Discaya matapos nitong ihambing sa “pagnanakaw” ang paniningil ng gobyerno sa umano’y maanomalyang pondong inilaan para sa flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman at tagapagsalita na si Mico Clavano, mali at mapanlinlang ang paglalarawan ni Discaya sa pagbabalik ng pondo ng bayan bilang pag-agaw sa kanilang ari-arian.
“Nang nawala ang pondo para sa flood control, hindi lang pera ang nawala kundi ang kaligtasan ng mga Pilipino. Kaya malaking kamalian na tawaging ‘pagnanakaw’ ang pagsauli ng ninakaw,” pahayag ni Clavano.
Dagdag pa niya, ang pagbabalik ng pondo sa gobyerno ay hindi pangingikil kundi isang malinaw na anyo ng pananagutan sa taumbayan.
Nag-ugat ang isyu sa pagdinig ng Senado noong Enero 19 kaugnay ng mga kuwestiyunableng flood control projects, kung saan sinabi ni Curlee na pakiramdam niya ay “ninakawan” siya matapos umanong hingan ng gobyerno ng restitution kapalit ng pagpasok sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Ang asawa ni Curlee na si Sarah Discaya, isa ring contractor, ay nahaharap sa mga kasong malversation at graft kaugnay ng umano’y P96.5 milyong ghost flood control project sa Davao Occidental.
Sa naturang pagdinig, iginiit ni Prosecutor General Richard Fadullon na hindi totoo ang pahayag ni Discaya na agad silang inatasang magsauli ng pera ng DOJ.
Ayon kay Fadullon, hindi pa umuusad ang aplikasyon ng mag-asawa sa WPP dahil sa kakulangan ng koordinasyon at pormal na salaysay.
Nilinaw rin ni Clavano na ang taumbayan ang unang nabiktima sa pagkawala ng pondo at ang pagbawi ng gobyerno sa mga ito ay nararapat lamang. RNT/JGC