
MANILA, Philippines – Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagsubaybay sa social media sa layuning habulin ang mga online content creator na umano’y sinasamantala ang tatlong araw na pagtitipon sa pamamagitan ng pag-post at pagpapakalat ng mga gawa-gawang pahayag na naglalayong guluhin at hikayatin ang mga tao na labagin ang batas.
Sinabi ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na inatasan na niya ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang cyber-patrolling lalo na sa tatlong araw na rally na nagsimula nitong Linggo, Nob. 16.
“The presence of your Philippine National Police will not only in the assembly areas and on the roads, but also on cyberspace in order to run after those who would dare to take advantage of this situation to mislead the public through fake news and fabricated claims,” saad ni Nartatez.
“While the PNP fully respect the freedom of speech and the freedom to air grievances, but those freedom have limitations and that include posting fake news and fabricated claims to mislead and misinform the public,” dagdag niya.
Inilabas ng pulisya ang pahayag matapos nitong subaybayan ang mga post sa social media hinggil sa umano’y pagtitipon ng malaking bilang ng mga tao sa Mendiola noong Sabado, Nob. 15, na may ilang mga post na nagpapahiwatig na handa ang mga tao na magmartsa patungo sa Malacañang.
Na-verify na ang mga post ay peke.
Nagbabala naman si Nartatez na may ilang online actors na mukhang sadyang naghahasik ng tensyon bago ang protesta.
Ibinunyag din niya na ang PNP ay nagmamasid sa mga account na may pattern ng pagkalat ng hindi na-verify na rally-related alerts.
“We are monitoring accounts that have a history of spreading false alerts or mobilizing people based on unverified information,” ayon kay Nartatez.
Kasalukuyang nasa pinakamataas na security alert status ang mga pulis sa buong bansa para sa tatlong araw na rally—isa sa Qurino Grandstand sa Maynila habang ang isa naman sa People Power Monument sa Quezon City. RNT/MND