MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng 60-araw na pagbabawal sa pag-angkat ng ilang produktong baboy upang matulungan ang mga lokal na magbababoy na nalulugi dahil sa pagdagsa ng murang imported pork.
Sa ilalim ng Department Order No. 33 na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. noong Nobyembre 7, pansamantalang lilimitahan ang pagpasok ng piling imported pork products bilang bahagi ng provisional safeguard measures sa ilalim ng Republic Act No. 8800.
Kabilang sa mga saklaw ng kautusan ang fresh, chilled at frozen pork, partikular ang carcasses, ham, shoulder at iba pang hiwa ng baboy, gayundin ang ilang lamang-loob tulad ng atay.
Maaaring magsimula ang 60-araw na restriksyon sa Nobyembre 24, o mas maaga kung maglalabas ng kaukulang kautusan ang Bureau of Customs (BOC).
Ayon sa DA, umabot sa ₱27.9 bilyon ang tinatayang pagkalugi ng lokal na industriya mula Enero hanggang Hulyo 2026 dahil sa pagbagsak ng farmgate prices at pagdami ng imported na karne.
Batay sa imbestigasyon ng ahensya, tumaas ng halos 42% ang pork imports mula 589,675 metric tons noong 2023 hanggang 836,240 metric tons noong 2025.
Nais ng DA na mabigyan ng pagkakataong makabawi ang mga lokal na magbababoy at maitaas ang farmgate prices na kasalukuyang mas mababa sa kanilang production costs.
Samantala, tinanggap ng ilang grupo ng hog raisers ang hakbang ngunit iginiit na maaaring hindi sapat ang 60 araw upang makabangon ang industriya.
Kabilang sa kanilang panawagan ang pagbabalik ng dating taripa sa imported pork na 30% hanggang 40%.
Ayon kay Tiu Laurel, maaari pang palawigin ang restriksyon depende sa kalagayan ng lokal na industriya at presyo ng baboy.
Sa kabila nito, tiniyak ng DA na sapat ang suplay ng karne ng baboy para sa pangangailangan ng mga mamimili ngayong Kapaskuhan.
Gayunman, inaasahan ng kalihim ang posibleng bahagyang pagtaas ng presyo habang papalapit ang holiday season. Santi Celario