Home NATIONWIDE DA mag-aalok ng ‘sulit, nutri’ rice sa halagang P36-P38/kilo

DA mag-aalok ng ‘sulit, nutri’ rice sa halagang P36-P38/kilo

MANILA, Phjilippines- Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na nagpaplano itong maglabas ng mga bagong uri ng palay na tinatawag na “sulit rice” at “nutri rice” na ibebenta sa mas mababang presyo bilang “New Year offering” sa mga Pilipino.

Sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Guevarra na ang sulit na bigas ay mabibili ng P36 kada kg., habang ang nutri rice ay mabibili sa P38 kada kg.

“Iyan po ‘yung balak naming New Year offering. Kumbaga bagong taon, meron tayong i-introduce na bagong varieties sa start of the year,” sabi ni Guevarra.

Inilarawan niya ang nutri rice bilang “brownish,” habang ang sulit na bigas ay puti ngunit “super broken.”

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang mga bagong uri ng palay, na magiging available simula 2025, ay dagdag sa P40 kada kilo presyo para sa pinaghalong lokal at imported na well-milled rice na kasalukuyang iniaalok sa mga tindahan ng Kadiwa.

Nang tanungin kung posible ang karagdagang pagbawas sa presyo ng bigas sa mga tindahan ng Kadiwa, sinabi ni Guevarra na “binabalanse” ng gobyerno ang sitwasyon, dahil ang naturang hakbang ay maaaring magkaroon ng “ripple effect” sa mga magsasaka.

“Nakakadismaya din po sa mga magsasaka kung masyadong bababaan din po ang presyo ng bigas” sabi pa nito.

Ang programa ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) Rice for All ay nagbibigay ng mas murang bigas kaysa sa umiiral na mga presyo sa merkado.

Kaugnay nito, nagpaplano rin ang DA na magbukas ng mas maraming Kadiwa kiosk sa mga pangunahing pampublikong pamilihan sa buong bansa, gayundin sa mga istasyon ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).

Ang mga kiosk ng KNP ay tumatakbo sa Kamuning Market, Malabon Central Market, New Las Piñas City Public Market, Pasay City Public Market, Guadalupe Market, MRT-North Avenue Station, at LRT-Monumento Station.

Isinasaalang-alang din ng DA ang mga bagong kiosk sa Balintawak (Cloverleaf) Market, Maypajo Public Market sa Quezon City, Cartimar Market sa Pasay City, Grace Market sa Pateros, at Paco Market ngayong buwan. Santi Celario