MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) sa publiko na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa sa kabila ng hagupit ni Severe Tropical Storm Kristine na tumama sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong linggo.
Inihayag ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa situation briefing na pinangunahan ni Pangulong Marcos sa Malacañang nitong Biyernes ng umaga.
Sa briefing, tinanong ni Marcos si Laurel hinggil sa epekto ng bagyo sa agriculture sector, kung saan tumugon ang huli: “We have enough stocks, sir.”
Tiniyak niya sa Pangulo na nakapag-ani ang DA ng halos 60 hanggang 70 porsyento ng rice crops mahigit isang linggo bago tumama ang bagyo.
Dagdag niya, pinabilis din ng DA ang pag-ani at procurement ng mga pananim sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA), na nagbibigay ng tulong sa mga apektado ng bagyo.
“Then we have Kadiwa trucks also in CamSur (Camarines Sur), we also have NFA rice ordered by the LGUs being deployed as we speak,” ani Laurel.
“And to prepare for what is coming, we also instructed NFA to send additional rice above and beyond what was requested,” dagdag niya. RNT/SA