Home HOME BANNER STORY Dagdag-presyo sa produktong petrolyo gugulong sa Martes

Dagdag-presyo sa produktong petrolyo gugulong sa Martes

MANILA, Philippines- Muli na namang magpapatupad ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na magiging epektibo sa Martes ng umaga.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag-presyo na P0.95 sa kada litro ng gasolina, P0.65 sa kada litro ng diesel, at P0.35 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May oil price hike din sa mga nabanggit na produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na ipatutupad alas-12:01 bukas ng madaling araw habang ang kompanyang CleanFuel ay paiiralin ito ng alas-4:01 ng Martes ng hapon.

Ang ipatutupad na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaang nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng malakihang dagda-presyo sa mga produktong petrolyo na P1.40 sa kada litro ng gasolina, P1.75 sa kada litro ng diesel, at P1.05 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes