DAGUPAN CITY, Philippines – Ideneklara ng Dagupan City government ang state of calamity sa kanilang lungsod dahil sa naging epekto ng mga nagdaang kalamidad.
“Ngayon po under na tayo ng state of calamity,” saad ni Dagupan City Vice Mayor Bryan Kua.
“Kami po ay bababa na po sa mga barangay upang mag-abot ng tulong. Humihingi lang po kami ng kaunting pasensya dahil dahan-dahan po tayong iikot sa mga barangay at tutulong,” dagdag niya.
Ang deklarasyon ng state of calamity ay nagpapahintulot sa lokal na pamahalaan na gumamit ng quick response at calamity funds para sa relief, rehabilitation, at recovery efforts.
Nagbibigay din ito ng awtoridad sa mga lokal na pamahalaan na magpataw ng mga kontrol sa presyo sa mga pangunahing bilihin at magbigay ng access sa mga pautang na walang interes para sa mga apektadong residente.
Ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang nagrekomenda na ilagay ang Dagupan sa ilalim ng state of calamity, ayon sa ulat.
Humigit-kumulang 30 barangay at 50% ng kanilang populasyon ang lubhang naapektuhan ng tropical cyclones.
Umabot sa anim na talampakan ang baha sa lungsod. Lubog pa rin ang ilang barangay, tulad ng Barangay Malued, kung saan sumilong pa rin sa mga silid-aralan ang ilang evacuees.
“Sa Zone 7,8, at 9, malalim pa rin yung tubig sa kanila, lalo na sa Sitio Fisheries, overhead pa rin. Mabagal yung pagbaba ng tubig kaya medyo hindi pa halos nababawasan yung ating mga evacuees,” ayon kay Barangay Malued chairperson Filipina delos Santos.
Mahigit 200 evacuees ang naiulat sa barangay. Ilan sa mga evacuees ay nananatili sa evacuation center mula noong nakaraang linggo.
Inaasahang makakauwi ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan kung magpapatuloy ang magandang panahon. RNT/MND