MANILA, Philippines – Naalarma ang Bureau of Immigration (BI) matapos madiskubre ang panibagong kaso ng umano’y underage na Filipina na pilit ipinadadala sa abroad para magtrabaho bilang domestic helper.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, nakababahala ang dumaraming insidente ng mga kabataang babae na tinuturuan umanong magsinungaling tungkol sa kanilang edad para makalusot sa mahigpit na patakaran ng gobyerno.
Pinakahuling naharang ang isang biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Pebrero 23 habang papunta sana sa Riyadh, Saudi Arabia via Hong Kong sakay ng Cathay Pacific.
Sa unang pahayag ng dalaga sa mga immigration officer, sinabi nitong 24 anyos na siya — edad na pasado sa minimum requirement para makapagtrabaho bilang domestic worker sa abroad.
Pero nagduda ang mga opisyal dahil sa magkakasalungat niyang sagot, kaya agad siyang isinailalim sa mas masusing secondary inspection.
Nagpakita pa ito ng PSA birth certificate na beripikadong tunay ng BI Anti-Fraud Section. Ngunit dito na nagsimulang mabunyag ang butas sa kanyang kuwento.
Batay sa rekord, sinabi ng dalaga na siya ang ika-anim na anak sa kanilang pamilya, pero malinaw sa dokumento na siya ang ikatlo. Dito na tuluyang naghinala ang mga awtoridad.
Mas lalo pang nabunyag ang katotohanan nang suriin ang birth certificate ng kanyang anak — doon napatunayang ipinanganak siya noong 2004, kaya’t 21 anyos lamang siya at hindi 24 gaya ng kanyang idineklara.
Binigyang-diin ni Viado na malinaw sa regulasyon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na kailangang hindi bababa sa 24 anyos ang isang Pilipinong domestic worker na patungong mga bansang gaya ng Saudi Arabia.
Babala ng BI, modus na umano ng mga trafficking syndicate ang turuan ang mga kabataang babae na baguhin o itago ang tunay na edad upang makalusot sa border control.
Tiniyak naman ng ahensya na patuloy silang makikipag-ugnayan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at iba pang ahensya para papanagutin ang mga nasa likod ng ilegal na pagpapadala ng mga kabataan sa ibang bansa. JAY Reyes