MANILA, Philippines – Inilarawan ng Philippine National Police (PNP) ang dami ng mga pinaputok ng mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) sa nangyaring shooting incident sa Senado noong Mayo 13 bilang “overkill.”
Sa press briefing, sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Robert Alexander Morico II na nakita sa ballistic at trajectory analysis ang excessive firing mula sa OSAA personnel.
“Based on the investigation conducted by our investigators, basically overkill. That’s why we call it panic firing,” ani Morico.
“Because ‘yung mga tama po doon ng mga bala makikita natin through the glass window ay sobra-sobra ‘yung pinaputok doon ng OSAA na wala namang umaatake sa kanila. Because kung makikita po ninyo doon na puro pataas ‘yung trajectory ng mga putok nila is puro paakyat,” dagdag pa niya.
Ayon sa mga awtoridad, may kabuuang 44 fired cartridge cases ang narekober sa crime scene, kabilang ang 36 na nasa loob ng Senado at walo sa labas malapit sa bridgeway ng GSIS.
Apat na armas ang sangkot sa palitan ng putok, ayon kay Morico.
Nakita sa ballistics examination na 26 fired cartridge cases ang mula sa 9 mm pistol na ginamit ni suspended Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.
Siyam ang mula sa .40-caliber at apat mula sa isa pang 9 mm na ginamit ng dalawa iba pang tauhan ng OSAA.
Ang limang fired cartridge cases naman ay mula sa 5.56 rifle na ginamit ng ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).
Noong Miyerkules, sinabi ng CIDG na inirekomenda nito ang paghahain ng reklamo laban kay Aplasca at dalawa iba pang security personnel ng Senado sa paglabag sa Private Security Services Industry Act. RNT/JGC