Home NATIONWIDE DAR nagkaloob ng nursery bilang tulong sa Cavite ARBs vs pabago-bagong panahon

DAR nagkaloob ng nursery bilang tulong sa Cavite ARBs vs pabago-bagong panahon

276
0

MANILA, Philippines – Upang tulungan ang mga magsasaka na makasabay sa hamon ng pabago-bagong panahon, nagkaloob ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng isang nursery facility sa Pinagsamasamang Adhikain na Binalangkas Upang Tumulong na Angatin ang Kabuhayan ng mga Magsasaka ng Imus, Cavite, Inc. (PABTAMIC Inc.) bilang suporta sa makakalikasang pagsasaka na handa sa hamon ng pabago-bagong klima.

Sinabi ni James Arthur T. Dubongco, Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II, ang pagkakaloob ng pasilidad ay bahagi ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) — isang programang naglalayong tulungan ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at ARB Organizations (ARBOs) na makaangkop sa pabago-bagong klima sa pamamagitan ng mas matatag, produktibo at mahusay na sistema ng pagsasaka.

“Ang nursery na ito ay hindi lamang isang gusali,” ani Dubongco.

“Ito ay pamumuhunan para sa kinabukasan ng ating mga magsasaka. Binibigyan natin sila ng kagamitan upang makapagpalago ng mga pananim na kayang tumagal kahit sa gitna ng pabago-bagong klima at makapagpapataas ng kanilang kita.”

Idinagdag pa ng opisyal na ang nursery ay magsisilbing Common Service Facility (CSF) kung saan maaaring magtanim at magpalago ang mga kasapi ng PABTAMIC ng de-kalidad na punla at mga pananim upang makatulong sa masaganang ani, seguridad sa pagkain, at pangangalaga sa kalikasan.

Kaugnay nito nagpahayag ng pasasalamat ang PABTAMIC Inc. sa patuloy na suporta ng DAR Cavite at nangakong gagamitin ng tama ang pasilidad para sa kabutihan ng kanilang mga miyembro at iba pang ARBs sa komunidad ng Imus.

Nabatid pa na ang CRFPSP ay isa sa mga pangunahing programa ng DAR na tumutulong sa mga ARB upang mapaunlad ang kanilang mga sakahan gamit ang mga makabagong teknolohiya at pasilidad na kayang harapin ang mga hamon ng pagbabago ng klima para sa pangmatagalang pag-unlad ng agrikultura. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here