Home METRO DAR namahagi ng P882-K makinarya sa mga magsasaka ng Misamis Occidental

DAR namahagi ng P882-K makinarya sa mga magsasaka ng Misamis Occidental

277
0

MISAMIS OCCIDENTAL, Philippines – Tiniyak ng pamahalaan na tataas ang ani at kita ng mga magsasaka ng mais sa Misamis Occidental matapos ipagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga farm machinery and equipment (FME) na nagkakahalaga ng P882,000 sa tatlong (3) agrarian reform beneficiaries organization (ARBOs).

Sa press release ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang tulong ay ipinagkaloob sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project – Sustainable Livelihood Support (CRFPSP-SLS), na naglalayong tulungan ang mga magsasaka na gamitin ang makabagong teknolohiya, mapaigting ang produksyon, at makasabay sa mga hamon ng pagbabago ng klima.

Mahigit 100 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang makikinabang sa mga makinaryang ipinamahagi, kabilang ang mga corn mill at knapsack sprayer. Ang mga tumanggap na organisasyon ay ang Balintonga CARPBA, Inc. sa Aloran, Señor San Roque CARPBA, Inc. sa Panaon, at Tipan Farmers Beneficiaries Association, Inc. sa Sinacaban.

Ayon kay DAR-Misamis Occidental Provincial Agrarian Reform Program Officer II Rolando M. Libetario, Jr., patunay ang pamamahaging ito sa patuloy na pagsuporta ng DAR sa mga magsasaka sa pamamagitan ng teknolohiya at inobasyon.

“Sa pagbibigay ng mga makinaryang akma sa kanilang pangangailangan sa produksyon, natutulungan nating makatipid ang ating mga magsasaka sa oras at gastos, habang napapaganda pa ang kalidad ng kanilang ani kahit sa gitna ng masamang panahon o mga hadlang sa kalsada,” ani Libetario.

Kaugnay nito nagpasalamat naman si Panaon Mayor Francisco Paylaga, Jr. sa patuloy na pakikipagtulungan ng DAR sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatatag ng sektor ng agrikultura.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang mga lider ng tumanggap na samahan sa agarang benepisyo ng proyekto sa kanilang sakahan.

“Malaking tulong ito sa amin, lalo na sa mga magsasaka. Lubos kaming nagpapasalamat sa tulong at suporta ng DAR para sa aming mga miyembro. Maraming salamat po,” ani Peter L. Eltagon, Pangulo ng Señor San Roque CARPBA, Inc. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here