MANILA, Philippines- Naghain ng “not guilty” plea ang filmaker na si Darryl Yap sa kasong cyberlibel na isinampa ng aktor at TV host na si Vic Sotto.
Kinumpirma ni Atty. Raymund Fortun, legal counsel ni Yap na humarap ngayong araw sa Muntinlupa RTC Branch 205 ang kanyang kliyente kaugnay sa pagbasa ng sakdal laban sa kanya.
Dalawang bilang ng kasong cyberlibel ang isinampa ni Sotto kaugnay ng kontrobersyal na pelikulang “The Rapist of Pepsi Paloma” kung saan hayagang binanggit ang pangalan ni Sotto na umano ay gumahasa kay Pepsi.
Bago ang susunod na hearing, magkakaroon muna ng mandatory mediation conference para sa dalawang panig kung maaaring maayos ang kaso nang hindi na dadaan sa demanda.
Inihayag naman ng abogado ni Sotto na si Atty. Enrique “Buko” dela Cruz Jr., hindi pa niya nakakausap ang kanyang kliyente hinggil sa pakikipag-ayos.
Ang susunod na pagdinig ay itinakda ng korte sa August 19,2025. Teresa Tavares