MANILA, Philippines — Iginiit ng abogado ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Montrexis Tordecilla Tamayo na kusang sumuko ang kanyang kliyente sa Israel noong 2025 at hindi inaresto.
Ayon kay Atty. Von Añonuevo, nasa Roman Catholic pilgrimage si Tamayo sa Egypt nang malaman nito na may inilabas na warrant of arrest laban sa kanya. Dahil pinakamalapit ang embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, doon siya kusang sumuko noong Nobyembre 24, 2025.
Kasalukuyang nakakulong si Tamayo sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas.
Si Tamayo ay isa sa mga kapwa akusado ni dating kongresista Zaldy Co sa kasong malversation of funds through falsification of public documents kaugnay ng P289.4 milyong proyekto sa Naujan, Oriental Mindoro na umano’y may malulubhang depekto sa istruktura.
Sa pagdinig sa Sandiganbayan, sinabi ng abogado na maghahain sana sila ng tatlong testigo, kabilang ang kinatawan ng embahada sa Tel Aviv, upang patunayang kusang sumuko si Tamayo.
Gayunman, iminungkahi ng korte na magkasundo na lamang ang magkabilang panig sa usapin ng voluntary surrender upang hindi na kailanganing magpalipad pa ng testigo mula Israel.
Pumayag naman ang mga state prosecutor na kilalanin ang kusang pagsuko ni Tamayo, at pormal itong tatalakayin sa susunod na pagdinig sa Hulyo 30.
Dahil dito, dalawa na lamang ang natitirang testigo ng depensa—si Tamayo at isa pang engineer ng DPWH. RNT/MDS