MANILA, Philippines – Ideneklara bilang “hostile witness” ng Senate Impeachment Court si Gina Acosta, ang dating special disbursing officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) at kasalukuyang vice presidential staff officer VI, sa gitna ng paglilitis lkay Vice President Sara Duterte kaugnay ng maling paggamit ng confidential funds.
Ang deklarasyon ay ginawa ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero matapos usisain ang ugnayan sa pagtatrabaho ni Acosta kay Duterte.
Kinumpirma ni Acosta na si Duterte ang kanyang amo at mawawalan siya ng trabaho sa OVP sakaling ma-impeach o matanggal sa pwesto ang Pangalawang Pangulo.
Sa bisa ng desisyon sa ilalim ng Rule 132, Section 13, pinahintulutan si pribadong tagausig Atty. Amando Virgil Ligutan na magtanong kay Acosta gamit ang mga leading questions, bagamat ipinagbabawal pa rin ang mga maliligaw na tanong.
Hiniling ng prosekusyon ang naturang deklarasyon dahil sa counter-affidavit ni Acosta sa Office of the Ombudsman kung saan iginiit nitong sumunod si Duterte sa mga patakaran sa confidential funds at walang pananagutan.
Sa patuloy na pagdinig, inihayag ni Acosta na ang mga confidential funds ay maaaring gastusin sa halos anumang aktibidad basta nakaklasipika ito bilang good governance program.
Si Acosta ang nag-asikaso sa paghahanda ng mga dokumentong isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) para sa liquidation ng P500 milyong confidential funds na natanggap ng ahensya mula 2022 hanggang 2023.
Inamin ni Acosta na ang physical and financial plan (PFP) na aprubado ni Duterte ay pawang “generic” at walang mga detalyadong nakalagay.
Katriwan nito, walang nakalagay sa ilalim ng Joint Circular (JC) 2015-01 na magkaroon ng itemized o detalyadong listahan ng mga programa sa PFP.
Gayunpaman, tinukoy ni Atty. Ligutan na mayroong mga probisyon sa Joint Circular na nagtatakda na ang mga cash advance ay dapat gamitin sa mga tiyak na legal na layunin at kinakailangang iulat ang mga partikular na detalye ng pinagkagastusan.
Paliwanag ni Acosta, ang mga detalye ay nasa mga attachment na ipinadala sa COA para sa audit, na nagmula sa noon ay hepe ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na si Col. Raymund Dante P. Lachica.
Nang tanungin ni Escudero kung tinanggap niya ang lahat ng isinumite ni Lachica para sa liquidation, kabilang ang mga aktibidad sa tree planting bilang bahagi ng good governance program, tumugon si Acosta ng sang-ayon, at idinagdag na iniharap ang mga ito kay Vice President Sara Duterte para sa kanyang pag-apruba.
Ang P500 milyon ay bahagi ng P612.5 milyong confidential funds sa sentro ng Artikulo I ng reklamo sa impeachment, na kinabibilangan rin ng P112.5 milyon na ibinigay sa Department of Education noong si Duterte ay kalihim pa nito. Gail Mendoza