MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na susuriin nila ang umano’y “Davao Death Squad” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin ni Duterte, sa pagdinig ng Senado sa kanyang war on drugs noong Lunes, na mayroong death squad na binubuo ng mga “gangster” at hindi mga pulis.
“Doon po sa latest revelation, if you monitored po yung statements ng ating dating pangulo, again with due respect sa ating dating pangulo, ay may sinasabi siyang kini-claim niya na may death squad. Later on, binawi rin po niya,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing.
“Pero hindi ito makakapigil sa PNP na ituloy at imbestigahan ang kasong ito. And he mention some names, tinuturo po niya yung ibang police po. Gagamitin iyon bilang lead at basehan ng PNP para magsagawa ng karagdagang imbestigasyon,” aniya pa.
Sinabi ni Fajardo na inatasan na ni PNP chief Police General Rommel Marbil ang kanyang mga tauhan na kunin ang mga hindi nalutas na kaso ng pagkamatay na nauugnay sa iligal na droga.
Sa unang pagdinig ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa war on drugs ng administrasyong Duterte noong Lunes, ipinahiwatig ni Duterte na nais niyang iligtas ang mga pulis sa pananagutan.
“Ako, makulong sa makulong. I can make the confession now if you want. Talagang niyayari ko pero ‘wag mo naman [idamay iyong] pulis, kawawa naman…Meron akong death squad pero hindi ‘yung mga police. Sila rin yung mga gangster ,” sabi niya.
“Iyong isang gangster, utusan ko, patayin mo yan. Kasi kung hindi mo patayin ‘yan, patayin kita ngayon,” dagdag pa ni Digong.
Sinabi ni Fajardo na “walang magiging sagradong baka” kung may mapapatunayang pulis na sangkot sa umano’y death squad ni Duterte. RNT