MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na magiging malinaw sa lahat ang proseso ng impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa inihain na Articles of Impeachment ng Mababang Kapulungan.
Sa kanyang opening statement sinabi ni Gatchalian, tatayong presiding officer ng Impeachment Court, na pormal nang binuksan ang paglilitis laban kay Duterte alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas.
“Sa pagtupad natin sa tungkuling ito, malinaw ang panata na ating sinumpaan: “to do impartial justice according to the Constitution and the laws of the Philippines,” ayon kay Gatchalian.
Ibig sabihin nito, aniya, ang bawat pasya ng Impeachment Court ay dapat nakabatay lamang sa Saligang Batas, sa ating mga batas, sa mga alituntunin ng Hukumang ito, at sa mga ebidensyang ihaharap na walang kinikilingan at walang pinapanigan.
Aniya, isang constitutional mechanism ang impeachment na pinapanagot ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan sa taumbayan. “We cannot achieve accountability, nor can we faithfully serve justice, without the truth.”
“Karapatan ng sambayanan na malaman kung may katotohanan ang mga paratang laban sa Pangalawang Pangulo. Tungkulin nating timbangin ang mga ebidensyang ihaharap at tiyaking ang ating magiging pasya ay nakabatay lamang sa batas at sa mga katotohanang mapatutunayan sa paglilitis,” ayon kay Gatchalian.
“Ipinagkakaloob ng Saligang Batas sa Senado ang natatanging kapangyarihang dinggin, litisin, at pagpasyahan ang lahat ng kaso ng impeachment. Kaakibat nito ang pananagutang tiyakin na ang paglilitis ay isinasagawa nang may integridad, kaayusan, at buong paggalang sa proseso,” paliwanag pa ni Gatchalian.
Aniya, kailangan tiyakin na magiging maayos, bukas at madaling mauunawan ng mamamayan ang proseso kaya’t pagkakalooban ang magkabilang panig —ang prosekusyon at ang depensa—ng sapat at makatarungang pagkakataon upang magharap ng ebidensiya, magsuri at magtanong sa mga testigo, at mailahad nang buo ang kani-kanilang mga argumento.
“Sa ganitong paraan, maihaharap sa taumbayan ang malinaw na batayan upang maunawaan ang mga isyung nakapaloob sa Articles of Impeachment,” ayon kay Gatchalian.
“Kasabay ng paghahanap sa katotohanan ang tungkulin nating tiyaking iginagalang ang mga karapatan ng bawat panig, lalo na ang karapatan ng Respondent Vice President sa isang patas at makatarungang paglilitis,” aniya pa.
Tiniyak pa ng lider ng Senado na “due process and fair play must remain paramount at every stage of this trial. Let us be firm in the search for truth. And let us remain faithful to the rules of this Court, the rule of law, and above all, the Constitution.”
“Nakatutok ang buong sambayanan. Bawat kilos, salita, at pagpapasyang ating gagawin ay huhubog sa kasaysayan. At ang kasaysayan ang huling huhusga kung tayo ay kumilos nang tapat at nararapat,” ayon kay Gatchalian.
“Nais kong bigyan ng katiyakan ang lahat, lalo na ang ating mga kababayan: Gagampanan ko ang aking tungkulin nang patas at may katapatan,” aniya.
“Magalang kong hinihikayat ang bawat Senator-Judge, nawa’y tuparin natin ang ating tungkulin nang may dangal at pananagutan sa ating Konstitusyon, upang maging karapat-dapat tayo sa tiwalang ipinagkaloob sa atin ng sambayanang Pilipino,” paliwanag pa ng senador. Ernie Reyes