MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima na mas malakas at mas pulido ang kasalukuyang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte kumpara sa mga reklamo na inihain noong 2025.
Sa isang ambush interview nitong Lunes, sinabi ni De Lima na nilapitan siya ng ikatlong grupo ng mga complainant na binubuo ng mga miyembro ng simbahan at mga abogado upang i-endorso ang kanilang petisyon laban kay Duterte.
Ayon kay De Lima, matapos niyang suriin ang reklamo, nakita niyang ito ay sapat sa porma at substansiya at may sapat na batayan upang umabot sa antas ng ebidensiya o trial stage sa Kamara.
“Mas na-improve pa nga ito kumpara sa mga articles of impeachment na ipinadala sa Senado noon,” ani De Lima, sabay sabing halos kapareho ng mga naunang reklamo ang mga batayan ngunit mas pinatibay ang presentasyon at detalye.
Dagdag pa niya, ang mga grounds na ginamit ay hindi nalalayo sa reklamong inendorso ng mahigit isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara noong Pebrero 5, 2025, na kalauna’y hindi itinuloy matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema dahil sa one-year bar rule.
Nilinaw rin ni De Lima na walang umiiral na patakaran na nagbabawal sa isang mambabatas na mag-endorso ng higit sa isang impeachment complaint.
“Walang prohibition sa rules, sa batas, o sa Konstitusyon na nagsasabing isa lang ang maaaring i-endorso ng isang miyembro ng Kamara,” aniya.
Sa 98-pahinang reklamo, anim na pangunahing batayan ang binanggit, kabilang ang umano’y maling paggamit ng mahigit P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, umano’y panunuhol sa mga opisyal ng DepEd, kabiguang ideklara ang lahat ng ari-arian sa SALN, at umano’y mga gawaing destabilization laban sa pamahalaan.
Nauna nang nagsumite ng magkakahiwalay na impeachment complaints ang Makabayan bloc at mga civil society groups, na kapwa inendorso ni De Lima. RNT/JGC