Home NATIONWIDE De Lima: Susunod na testigo magpapatibay sa ebidensya laban kay VP Sara

De Lima: Susunod na testigo magpapatibay sa ebidensya laban kay VP Sara

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na mas mapapalakas pa ng susunod na testigo ng prosekusyon ang mga ebidensya kaugnay ng umano’y grave threats ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay De Lima, si NBI Regional Director Jeremy Lotoc ang susunod na haharap bilang testigo matapos si NBI Senior Agent John Mark Calilung.

Aniya, ipaliliwanag ni Lotoc kung paano sinuri ng NBI ang mga video at ebidensya at kung bakit nila inirekomenda sa Department of Justice (DOJ) ang kaso. Dagdag pa niya, susuportahan at lalong palalakasin ng testimonya ni Lotoc ang mga pahayag ni Calilung.

Binigyang-diin din ni De Lima na ang unang linggo ng impeachment trial ay nagsilbing pundasyon ng kaso, kung saan ang mga paratang ay sinamahan na ng mga ebidensya at sumailalim sa cross-examination.

Samantala, sinabi rin ni Rep. Chel Diokno na unti-unting mabubuo ang kaso habang dumarami ang mga testigong ihaharap ng prosekusyon.

Inaasahan ding ihaharap sa ikalawang linggo ng paglilitis sina Capt. Belinda Bello ng Office of the Sergeant-at-Arms ng Kamara at OVP Chief of Staff at Undersecretary Zuleika Lopez bilang mga testigo.

Iginiit naman ni De Lima na hindi nabasag ng depensa ang testimonya ni Calilung. Aniya, nang ipakita mismo ng depensa ang bahagi ng video ng press briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, para na rin nitong kinilala ang pagiging tunay ng naturang video.

Samantala, iginiit ng depensa na ang mga pahayag ni Duterte ay ginawa niya bilang asawa, ina, anak, at kapatid, at hindi bilang Bise Presidente, kaya hindi umano ito maituturing na batayan para sa impeachment. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here