MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ekstensyon ng paghahain ng 2025 annual income tax return mula April 15 ay magiging May 15, 2026.
Layon nito na bigyan ng pagkakataon ang mga taxpayers na maayos na makapaghain ng kanilang ITR.
Sa isang social media post, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagpapalawig niya ng isang buwan sa deadline ng paghahain ng ITR ay makapagbibigay sa taxpayers ng karagdagang oras at panahon na magsumite ng lahat ng kinakailangang dokumento nang walang anumang penalty o subsurges.
Maaari aniyang maghain at magbayad ang mga ito sa pamamagitan ng electronic platforms ng Bureau of Internal Revenue (BIR) o sa pamamagitan ng awtorisadong agent banks.
“Ginawa natin ito para mas magaan ang pagbabayad ng bawat Pilipino, lalo na sa panahong ramdam ang pagtaas ng presyo ng langis. Tuloy-tuloy ang ating ginagawa para maibsan ang bigat sa araw-araw na buhay ng ating mga kababayan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos. (KRIS JOSE)