MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) nitong Biyernes, Disyembre 26 na posibleng bumagsak sa dagat na sakop ng Pilipinas ang debris mula sa Long March 8A rocket ng China.
Sa abiso, sinabi ng PhilSA na ang rocket debris ng China ay inaasahang babagsak sa mga sumusunod na lugar:
Ang unang drop zone ay pasok sa Philippine exclusive economic zone:
108 nautical miles (NM) mula sa El Nido, Palawan
126 NM mula sa Puerto Princesa, Palawan
90 NM mula sa Rozul Reef
Pasok din sa archipelagic waters ng Pilipinas ang ikalawang drop zone:
32 NM mula sa Hadji Muhtamad, Basilan
42 NM mula sa Pangutaran Island, Sulu
46 NM mula sa Tubbataha Reefs Natural Park
Ayon sa PhilSA, inilunsad ang Long March 8A rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan bandang 7:26 ng umaga ng Biyernes.
Ang impormasyon sa drop zone ng rocket ay inilabas sa pamamagitan ng Notice to Airmen (NOTAM) para alertuhin ang aircraft operators tungkol sa “aerospace flight activity.”
Bago pa ang rocket launch ng China, nagpakalat na ang PhilSA ng pre-launch advisory sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa PhilSA, ang fragments mula sa rocket ay hindi inaasahang tatama sa anumang landmass o populated location. RNT/JGC