MAY mga Pinoy na delikado ang kalagayan sa ibang mga bansa.
Hindi lang daan-daan kundi libo-libo o daan-daang libo.
Maaaring mamamatay sila sa giyera, mawalan ng pagkakitaan o mapatalsik at mapabalik sa mahal kong Pinas.
GIYERANG THAILAND-CAMBODIA
May giyera ngayon sa pagitan ng Cambodia at Thailand dahil sa agawan ng teritoryo sa kanilang mga boundary.
Isa sa mga pinakahuling pangyayari ang pagbabakwit ng nasa 118 na Pinoy na karamiha’y guro tungo sa mga ligtas na lugar.
Sinasabi ni Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes na may kabuuang 350 iligal na Pinoy ang naninirahan sa mga lugar ng giyera.
Ang mabuting balita, wala pang napapahamak at ligtas umano ang mga ito.
Ano-ano na ang ginagawang mga suporta ng pamahalaan sa mga ito?
370,000 PALALAYASIN SA US
Pukpukan ang raid ng mga ahente ng United States Immigration and Customs Enforcement sa lahat ng iligal na dayuhan sa bayan ni Uncle Sam.
May 370,000 Pinoy na sinasabing tago-nang-tago o TNT sa US at sila ang kabilang sa nasa 11 milyong target ng gobyernong Donald Trump na palayasin o i-deport.
Sa ngayon, tinatayang halos 4000 Pinoy na ang umano’y sinusubaybayan ng ICE at nasa 1,280 ang aktibong kaso para sa deportation.
May napalayas na silang mga Pinoy at nasa Pilipinas na sila.
Katwiran ng gobyernong Kano, malaking pinagkakagastusan nila ang 11 milyong iligal na dayuhan, bukod pa sa nililikha nilang mga krimen na ikinadadamay o ikinapapahamak ng mga Kano mismo.
Kasama sa napakalaking problema nila ang droga na kalakhan ng suplay ay galing sa Mexico, Colombia at iba pang bansang Latina.
Libo-libo, kasama ang maraming sikat na artista, ang namatay na sa overdose ng droga, pagpapatiwakal sa droga at pagkasira ng ulo at pamilya sa droga pa rin.
Iba pa ang mga patayan at nakawan na gawa ng mga dayuhan.
Kapag nagkataong libo-libo na ang sabay-sabay na mapabalik sa Pinas, ano-ano ang gagawin ng ating gobyerno bilang suporta sa kanila at mga pamilyang umaasa sa kanila para mabuhay, mag-aral, magpagamot sa sakit sa iba pa?
GIYERANG RUSSIA-UKRAINE
Ano naman itong nababalitaan nating may mga Pinoy umanong lumalaban sa giyerang Russia at Ukraine?
Ang US umano ang recruiter at ang Germany umano ang nag-iisyu ng Schengen visa sa mga ito para makarating sa Ukraine para labanan ang Russia.
Gaano ba katotoo ito?
Sa mga pinakahuling ulat, kakaunti na lang ang mga Pinoy sa Ukraine at ayaw umalis, lalo na ang mga nakapag-asawa na roon.
Kung tutuusin, nakababahala ang reklamo mismo ng Russia na may mga Pinoy ang lumalaban bilang mga mersenaryo.
Ang patakaran ng Russia sa mga mersenaryo ay ubusin lahat at walang karapatang maging prisoners of war.
Paano nga kung totoong may mga Pinoy na mersenaryo…na hindi naman imposibleng mangyari dahil marami ang nababalitaang merseneryo galing sa iba ring mga bansa?
Ano-ano ba ang mga paghahanda ng ating gobyerno sakaling totoo at mapatay ang mga merseneryong Pinoy?






