Home NATIONWIDE DENR dumipensa sa mga pinutol na kahoy sa SALEX: Karamihan bulok na

DENR dumipensa sa mga pinutol na kahoy sa SALEX: Karamihan bulok na

47
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na karamihan sa mga punong pinutol sa Roxas Boulevard at Quirino Avenue para sa Southern Access Link Expressway (SALEX) project ay may mga depekto, pagkabulok, o structural issues kaya hindi na maaaring ilipat.

Ayon kay DENR Assistant Secretary Norlito Eneran, sa 617 punong sinuri sa lugar ng proyekto, 523 ang nakatakdang putulin habang 94 ang isinailalim sa earth-balling, na karamihan ay katutubong puno at mga punong namumunga.

“Yung mga na cut natin ito yung mga decaying na identified ng ating mga foresters, experts na hindi na possible yung mga transplanting or earth balling,” aniya.

Ipinaliwanag ni Eneran na ang earth-balling ay para sa mga punong may mas mataas na tsansang mabuhay pa, habang ang pagputol ay para sa mga punong delikado o sira na.

“May dalawa tayong puno na na earthball sa area ng Roxas Boulevard at Quirino Avenue,” dagdag niya, kaugnay ng paglipat ng dalawang Narra tree sa Hidden Garden sa Maynila.

Ayon sa DENR, nasa 245 na puno na ang naputol habang 40 na ang na-earth ball at nailipat. Kabilang sa mga lugar na pagtataniman muli ang Intramuros, Hidden Garden, at PhilPost center island.

Batay sa pagsusuri, 44 porsyento ng mga puno ay may cavities o pagkabulok sa ugat at puno, 26 porsyento ay nakahilig o nakasabit sa mga kable, at 19 porsyento ay patay, lantang-lanta, o deformed na. Tanging 11 porsyento lamang ang natukoy na malusog at matatag.

Ayon kay DENR-NCR forester Arturo Calderon, dumaan sa masusing individual assessment ang bawat puno. Aniya, maaaring magdulot ng panganib ang mga sirang puno lalo na sa panahon ng malalakas na bagyo kung hindi tatanggalin. “Kung hindi siya maputol, in the event of a strong typhoon at damaged siya, ma-uproot siya,” aniya.

Dagdag pa niya, ang mga malulusog na puno ay pinipiling i-transplant at maaari umanong umabot sa 80 porsyento ang survival rate kung maayos ang maintenance at paggamit ng rooting hormones. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here