NAGLABAS ng isang seryosong babala ang Department of Environment and Natural Resources – Central Visayas (DENR Region 7) matapos ang pagkakaroon ng potensiyal na ground instability o panganib sa pagguho ng lupa sa ilang bayan sa hilagang bahagi ng Cebu.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau – Region 7 (MGB 7), ang babalang tinawag na “Subsidence Threat Advisory” o “Ground Collapse Warning” ay kasunod ng Magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa rehiyon nitong gabi ng September 30, 2025.
Binigyang-diin ng MGB 7 na ang mga sinkhole, lalo na ang mga nabuo sa pamamagitan ng cover collapse, ay may malubhang banta sa buhay, ari-arian, at imprastraktura. Dagdag pa nila, ang patuloy na paggalaw ng lupa, kasama na ang mga aftershocks at malalakas na pag-ulan, ay maaaring magdulot ng karagdagang pagguho sa hinaharap.
Ang sinkhole ay isang depresyon o butas sa lupa na sanhi ng pagbagsak ng ibabaw ng lupa papunta sa ilalim na cavity, kadalasan sa mga lugar na may limestone o soluble rock. Maaari itong unti-unting mabuo o biglaang lumitaw matapos ang lindol, malakas na ulan, o paggalaw ng groundwater.
Ang mga sinkhole ay maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa imprastraktura at panganib sa buhay, lalo na kung malapit sa mga residential zone o kalsada.
Sinabihan ng MGB 7 ang mga lokal na pamahalaan na kaagad ipagbawal ang pagkakaroon ng akses sa mga lugar na apektado ng sinkhole at mga bitak sa lupa.
Dapat din itong lagyan ng caution tapes at warning signs upang maprotektahan ang mga residente at motorista. Binanggit ng ahensiya na iwasan ang basta-basta pag-backfill o pagsara sa mga sinkhole nang walang tamang pagsusuri, lalo na kung may mga ilog o sapa sa ilalim ng lupa, dahil maaari nitong mas lalong lumala ang pagguho o magdulot ng pagbaha.
Kabilang sa iba pang payo mula sa MGB-7 ang:
* Patuloy na pagmamanman sa mga bitak at paglubog ng lupa, lalo na pagkatapos ng malakas na ulan.
* Pag-iwas sa anomang development sa mga apektadong lugar dahil sa posibilidad ng mga kuweba o subterranean waterways.
* Pagsasagawa ng geotechnical studies upang malaman ang lawak ng pagguho at matukoy ang angkop na solusyong pang-inhinyeriya.






