OCCIDENTAL MINDORO, Philippines — Naitala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MIMAROPA ang pinakamaraming pugad ng pawikan sa kasaysayan ng SAMARICA coastal landscape sa nesting season mula Hulyo 2025 hanggang Marso 2026.
Ayon sa DENR, umabot sa 60 pugad ang naitala—44 sa Calintaan at 16 sa San Jose. Iniuugnay ito sa mas pinaigting na coastal patrols, pangangalaga sa tirahan ng mga pawikan, at pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, Bantay Dagat, at mga komunidad.
Noong Hulyo 2, pinakawalan ng DENR ang 81 critically endangered Hawksbill turtle hatchlings sa Calintaan.
Sa kabuuan, may 5,157 itlog ang naitala na nagbunga ng 3,733 hatchlings, na may 73.93% hatchling emergence rate.
Sa mga napakawalang hatchlings, 2,687 ay Olive Ridley turtles, 647 ay Green turtles, at 399 ay Hawksbill turtles.
Naitala rin sa San Jose ang unang nesting at hatching ng Green at Hawksbill turtles, habang sa Calintaan ay unang Green turtle nesting sa loob ng pitong taon at unang dokumentadong pagpapakawala ng Hawksbill hatchlings.
Ayon sa DENR, patunay ito na epektibo ang pangmatagalang habitat protection, regular na monitoring, at community-based conservation para sa pangangalaga ng mga pawikan. RNT/MDS