Home NATIONWIDE DepEd kinalampag ni Legarda sa pagpapalakas ng pagbabasa sa kabataan

DepEd kinalampag ni Legarda sa pagpapalakas ng pagbabasa sa kabataan

295
0

Manila, Philippines – Sa pagdiriwang ng National Reading Day ngayong Nobyembre 27, muling hinikayat ni Senador Loren Legarda ang Department of Education (DepEd) na mas palakasin ang programa sa pagbabasa para sa kabataan, lalo na sa formative years.

Ayon kay Legarda, ang pagbabasa, partikular sa mga batang edad 6 hanggang 12, ay mahalaga sa paghubog ng kognitibong kasanayan at pagpapalakas ng critical thinking.

“Naniniwala tayo na dapat mas palakasin ang pagbabasa, lalo na sa panahon na hinuhubog pa ang isipan ng kabataan, dahil ang kakayahang magbasa at umunawa ay mga pangunahing kasanayang kailangan para sa buong buhay nila,” ani Legarda.

Dagdag niya, “Ang pagbabasa ay nagpapakatao rin sa atin; nagbibigay ito ng damdamin, lalim, at empatiya na nakukuha lamang sa patuloy na paglinang ng isipan.”

Ngayong taon, ang tema ng National Reading Day ay “Tulay ang Pagbasa sa Bukas na Puno ng Pag-asa,” na nagbibigay-diin sa kapangyarihan ng pagbabasa bilang tulay na nag-uugnay sa iba’t ibang henerasyon at nagpapalalim ng pang-unawa sa lahat ng edad.

“Ang kakayahang mahusay na magbasa at umunawa ay isang kritikal na kasanayan para sa kinabukasan upang magkaroon tayo ng isang henerasyon ng mga Pilipinong mapanuri, may sapat na kaalaman, at may pananagutan sa pag-unlad ng ating minamahal na bansa,” diin ni Legarda.

Binanggit din niya na ang mahusay na pagbabasa ay makatutulong sa paghubog ng mga polisiyang magtutulak sa Pilipinas tungo sa masigla at napapanatiling ekonomiya, at magbibigay-daan sa bansa na makipagsabayan sa pandaigdigang antas.

Itinulak ni Legarda ang pagpasa ng ilang mahahalagang batas sa edukasyon, kabilang ang Enhanced Basic Education Act of 2013, Integrated History Act of 2016, at Universal Access to Quality Tertiary Education Act, bukod sa iba pa. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here