MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Education ang patuloy na suporta nito sa mga paaralang sinalanta ng bagyo upang matulungan ang mga mag-aaral na makarekober mula sa sunod-sunod na pagkaantala ng klase.
Ito ang pagsisiguro ni Education Secretary Sonny Angara nang pangunahan nito ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong paaralan sa Camarines Sur nitong Huwebes, Disyembre 5.
Namahagi nang DepEd ng teaching packs, student kits, classroom materials, digital tools, at whiteboards mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) at United States Agency for International Development (USAID).
“Kami po sa DepEd (Department of Education), initial visit pa lang po ito. Asahan po ninyo ang mga darating pang aksyon,” ani Angara.
Layon ng pagtuturn-over ng mga learning tools na ito na matulungan ang mga apektadong mag-aaral mula sa class disruptions bunga ng sunod-sunod na bagyo.
“Makakaasa po kayo na patuloy naming isusulong ang dekalidad na edukasyon para sa bawat bata,” ayon pa sa opisyal. RNT/JGC