MANILA, Philippines – Nilinaw ni DepEd Secretary Sonny Angara na hindi obligado ang mga pribadong paaralan na sundin ang planong three-term school calendar ng Department of Education (DepEd).
Sa isang panayam, sinabi ni Angara na mananatiling malaya ang private schools sa pagtakda ng kanilang academic calendar basta sumusunod sa curriculum at minimum na bilang ng school days.
“Mas maluwag talaga sa private schools. They are free to have their own school year and instruction, basta sumusunod sila sa curriculum at minimum number of school days,” aniya.
Dagdag niya, marami na ring pribadong paaralan ang gumagamit ng three-term setup.
Ipinaliwanag din ni Angara na hindi ito katulad ng trimester system.
“Ang trimester, kada term iba-ibang subjects. Sa three-term, grading period lang siya—pareho lang ang subjects,” aniya.
Sinabi rin niya na pinag-aaralan ng DepEd ang flexible learning options para sa private schools gaya ng in-person, work-from-home, o hybrid setup, lalo na kung may mga posibleng aberya tulad ng pagtaas ng gastos sa enerhiya. RNT/MND