MANILA, Philippines – Tumutol ang defense team ni Vice President Sara Duterte sa paggamit ng prosecution ng artificial intelligence (AI) upang ipakita kung ano ang itsura ng P125 milyon na cash, dahil hindi umano nito ginagarantiya ang pagiging tumpak.
Sa Day 16 ng impeachment trial ni Duterte nitong Lunes, ipinakita ng House prosecution panel ang dalawang AI-generated images ng P125 milyon—isang bersyon na nakabundle at isa namang nakalagay sa mga bag—sa direct examination ng dating OVP special disbursing officer na si Gina Acosta.
Ginamit ng prosecution ang mga larawan upang makatulong na ipakita ang halagang sinasabing personal na kinuha ni Acosta na confidential funds mula sa isang sangay ng LandBank.
Tumutol ang defense, sa pamamagitan ni counsel Lindon Bacquel, dahil AI-generated umano ang mga larawan.
Ayon sa defense spokesperson na si Michael Poa, maaaring hindi eksaktong maipakita ng AI ang tunay na itsura ng isang bagay.
“Kasi syempre, alam naman natin ‘yung AI sometimes does not really depict ‘yung totoong itsura ng mga bagay-bagay,” ani Poa.
“… and usually, hindi nagiging accurate talaga ‘pag AI sa ngayon,” dagdag niya.
Sinabi ni Poa na ang accuracy ang pangunahing dahilan ng kanilang pagtutol dahil ayaw nilang magkaroon ng pinalaking visualization sa aktuwal na halaga ng cash na sangkot sa confidential funds.
Nang tanungin kung maghahain ang defense ng mosyon para ipagbawal ang paggamit ng AI-generated photos, sinabi ni Poa:
“No. We haven’t really spoken about it after this, so I don’t want to foreclose any possibility,” ani Poa.
“But sa ngayon naman, na-note naman ‘yung continuing objection namin doon,” dagdag niya. RNT/MDS