Home NATIONWIDE Desisyon ng SC sa Smartmatic petition muling ikonsidera – Comelec

Desisyon ng SC sa Smartmatic petition muling ikonsidera – Comelec

MANILA, Philippines- Hihilingin ng Commission on Elections (Comelec) sa Korte Suprema na isaalang-alang ang desisyon nito na ang poll body ay nakagawa ng grave abuse of discretion nang idiskwalipika nito ang service provider na Smartmatic bago ito makapagsumite ng anumang bid para sa 2025 elections.

Sa katunayan ayon kay Comelec Chairman George Garcia, sila ay maghahain ng motion for reconsideration.

Sa kabila ng nasabing hakbang, sinabi ni Garcia na tinatanggap nila ang desisyon dahil nilinaw ng Korte Suprema na hindi nito pinapawalang-bisa ang kontrata ng Comelec para sa vote-couting machines para sa halalan sa South Korean Firm na Miru Systems.

“Lumalabas kung ano yung nangyari, valid na po lahat yan. Yung award namin wala na pong problema. Wala na pong effect, therefore, sa ating halalaan sa 2025,” ani Garcia.

Binigyan-diin ni Garcia ang integridad ng poll body ay hindi naapektuhan sa desisyon, at idinagdag na ito ay malugod na tinanggap dahil nilinaw nito ang lawak ng awtoridad ng Comelec.

Ang Smartmatic ay diniskwalipika ng Comelec noong Nobyembre 2023 mula sa lahat ng procurement ng poll body dahil sa alegasyon ng bribery laban kay dating Comelec chairman Juan Andres “Andy” Bautista para sa awarding ng kontrata para sa election machines sa Smartmatic Corp.

Sinabi naman ng Smartmatic na ang diskwalipikasyon ay hindi patas dahil ito ay batay sa mga ulat lamang at hindi opisyal.

Naghain naman ang kompanya ng petition for certiorari na may aplikasyon para sa pagpapalabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction (WPI) sa SC.

Samantala, sinabi ng kinatawan ng Smartmatic na si Atty. Christian Lim na nauna nang tinanggap ang desisyon at sinabing ibinabalik nito ang hustisya at nagpapakita ng malinaw na mensahe sa mga namumuno sa Comelec. Jocelyn Tabangcura-Domenden)