MANILA, Philippines — Naglabas ng pahayag ang developer ng video game na GoreBox kasunod ng madugong pamamaril sa Tacloban City at iginiit na para lamang sa mga adult ang laro, habang isinusulong ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang permanenteng pagbabawal sa mga mararahas na video game sa bansa.
Sa ipinadalang pahayag sa Inquirer, sinabi ni Felix Filip, founder ng F2 Games at developer ng GoreBox, na labis siyang nalungkot sa nangyari.
“I’m heartbroken by what happened in Tacloban. My thoughts are with the families who lost their children, with everyone who was injured, and with the entire San Jose National High School community. A loss like this is devastating,” ani Filip.
Iginiit niyang ginawa ang GoreBox para lamang sa adult audience at ipinamamahagi ito sa Steam at Google Play na may age-rating at parental control systems. Aniya, may paalala rin sa laro na ito ay kathang-isip lamang, hindi naghihikayat o nagluluwalhati ng totoong karahasan, at hinihikayat ang mga nakararanas ng mararahas na pag-iisip o emotional distress na humingi ng tulong.
Sinabi rin ni Filip na walang game developer ang kayang tiyakin ang edad ng bawat nagda-download ng laro at suportado niya ang pagpapalakas ng age-verification at parental controls. Nangako rin siyang makikipagtulungan sa mga awtoridad ng Pilipinas habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Samantala, nanawagan si Interior Secretary Jonvic Remulla sa pamahalaan at Kongreso na permanenteng ipagbawal ang mga mararahas na video game matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
“Games espousing violence like GoreBox should be permanently banned from the Philippines. I believe that it desensitizes young people to the elements of death, violence, and murder,” pahayag ni Remulla sa press briefing sa Camp Crame.
“I believe that the government, that Congress should study the matter on how to stop this,” dagdag niya.
Dalawang menor de edad, edad 14 at 15, ang umano’y responsable sa pamamaril sa loob ng paaralan noong Lunes na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng hindi bababa sa 20 iba pa.
Ayon sa pulisya, umano’y naimpluwensiyahan ng *GoreBox* ang mga suspek. Kasunod ng insidente, pansamantalang ipinagbawal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang naturang video game sa bansa. Santi Celario