NAKASUBAYBAY ang Embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos sa situwasyon ng mga Filipino roon habang ang category 5 Hurricane Milton ay patungo sa central west coast ng Florida.
Sa naging panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega na walang Filipino ang humingi ng emergency assistance sa kanila.
“Sabi ng embahada natin sa Washington DC, no Filipinos reported affected as of now. Hindi lang sa Florida, ‘di ba last week pati North Carolina— no Filipinos affected,” ayon kay De Vega.
Samantala, base sa local reports, may apat katao na nagtangkang lumikas bago pa ang bagyo ang sugatan, Martes ng umaga matapos na mag-crash ang eroplanong naglulan sa kanila sa Tampa Bay.
Tinatayang tatama ang Hurricane Milton sa kahabaan ng west coast ng Florida peninsula, Miyerkules ng gabi, may bitbit itong pamiminsala, posibleng catastrophic storm surge kasing taas ng 10 talampakan at maging ang malakas na pag-ulan sa daraanan nito. RNT