Home NATIONWIDE DFA sa mga Pinoy sa Iran, Israel: ‘Di kailangan mag-panic sa itinaas...

DFA sa mga Pinoy sa Iran, Israel: ‘Di kailangan mag-panic sa itinaas na Alert Level 3

MANILA, Philippines – Hinimok ng mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs nitong Sabado, Hunyo 21, ang mga Filipino sa Israel at Iran, maging ang mga kaanak nito dito sa Pilipinas na manatiling kalmado at huwag mag-panic matapos itaas ng ahensya ang Alert Level 3 sa dalawang bansa.

Nitong Sabado, Hunyo 21, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Robert Ferrer na nagkakaroon ng pagpa-panic at pag-aalala sa nagpapatuloy na giyera sa israel at Iran dahil sa “misinformation.”

“If you ask most of our Filipinos in Tel Aviv, they are calm, they don’t want to go home. They believe in the Israeli system to protect them, to take care of them,” ani Ferrer.

Aniya, ang pagdedeklara ng Alert Level 3 sa dalawang bansa ay bahagi lamang ng paghahanda ng mga embahada at pamahalaan sakaling mas tumindi pa ang sitwasyon.

Sinabi pa ni Ferrer, ayon sa mensahe ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, bagamat mayroong mga panganib ay nananatiling available ang mga essential service at mga opisina.

“Walang patid ang internet, telepono, at ibang utilities. Panatag at mahinahon naman ang mga mamamayan ng Israel kabilang ang mga Pilipino, natutugunan din nang mabilis ang mga nasalanta at nanganagilangan ng tulong. Bukas ang mga mall, restaurant, at mga park,” dagdag pa.

Batay sa mensahe ni Ambassador Mendiola na binasa ni Ferrer, nag-adjust na ang Israeli Defense Forces ng security guidelines nito at pinaluwag ang restriksyon na pumapayag na sa “limited activities” mula sa “essential only.”

Sa lahat ng ito, siniguro ng opisyal sa pamilya ng 30,000 overseas Filipinos sa Israel na sila ay ligtas at nasa maayos na kalagayan.

“Kapag all clear na, they go back to their cafes, ang nagpa-panic ay mga kamag-anak nila and they are the ones reassuring their relatives back here.”

“It is as if the Filipinos there are hardened, like Filipinos in Lebanon. They treat these missile attacks as super typhoons natin. Mag-iingat tayo but after okay na, life goes on. Yun ang assurance natin,” dagdag pa.

Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na hindi sila nagsagawa ng mandatory evacuation o itinaas sa Alert Level 4 sa dalawang bansa dahil ito ay ginagawa lamang para sa mga war zone.

“Ang mandatory evacuation, in Alert Level 4, is used for warzones meaning untenable situations. No Filipino should be in that place because you cannot live there,” ani De Vega.

“Ang great example is Gaza, we brought home every single Filipino, lagpas 100 lang naman but c’mon. Whether you are Gaza or Filipino, it is an untenable situation. Israel is not. Meaning, kung walang missiles, there are offices, restaurants, also Iran,” dagdag pa.

Bagamat inaatake ang Tehran, hindi ito nangangahulugan na hindi na makakapamuhay ang mga indibidwal sa Iran.

“Of course it is unpleasant right now with the Israeli attacks but we will await the recommendation of the ambassadors. Alert Level 4 will alarm everybody,” ayon pa sa opisyal.

Sinabi ni De Vega na 26 Filipino sa halos 200 bilang ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi mula sa Israel. RNT/JGC